Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos - Kingdom Praise Musical Drama

菜單

Okt 12, 2019

Paano dapat ituring at gamitin ng isang tao ang Biblia sa isang paraang naaayon sa kalooban ng Diyos? Ano ang likas na halaga ng Biblia?

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin. At ayaw kayong magsilapit sa akin, upang kayo’y magkaroon ng buhay ” (Juan 5:39–40).


Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ngayon, hinihimay-himay Ko ang Biblia sa ganitong paraan at hindi ito nangangahulugan na kinasusuklaman Ko ito, o itinatanggi ang halaga nito bilang sanggunian. Ipinaliliwanag Ko at nililinaw ang likas na halaga at mga pinagmulan ng Biblia sa iyo upang pigilan ka sa pananatiling walang alam. Dahil ang mga tao ay napakaraming pananaw tungkol sa Biblia, at karamihan sa mga iyon ay mali; ang pagbabasa ng Biblia sa paraang ito ay hindi lamang humahadlang sa kanila mula sa pagkakaroon ng kung ano ang nararapat, ngunit, mas mahalaga, pinipigilan nito ang gawain na Aking nilalayong gawin. Ito ay isang napakalaking abala para sa gawain ng hinaharap, at nagbibigay lamang ng mga balakid, hindi kapakinabangan. Kaya, ang itinuturo Ko lamang sa iyo ay ang substansya at ang kuwentong napapaloob sa Biblia. Hindi Ko sinasabi na huwag mong basahin ang Biblia, o ipangalandakan mo na ito ay lubusang walang halaga, kundi magkaroon ka ng wastong kaalaman at pananaw sa Biblia. Huwag maging masyadong nakatuon sa isang panig lamang! Kahit na ang Biblia ay isang aklat ng kasaysayan na isinulat ng mga tao, itinatala rin nito ang karamihan ng mga prinsipyo ng sinaunang mga banal at propeta sa paglilingkod sa Diyos, gayundin ang mga kamakailang karanasan ng mga apostol sa paglilingkod sa Diyos—lahat ng ito ay talagang nakita at nalaman ng mga taong ito, at maaaring magsilbi bilang sanggunian para sa mga tao ng kapanahunang ito sa paghahabol sa totoong landas. Kaya, sa pagbabasa ng Biblia ang mga tao ay makakatamo rin ng maraming paraan ng pamumuhay na hindi natatagpuan sa iba pang mga libro. Ang mga paraang ito ang mga daan ng buhay ng gawain ng Banal na Espiritu na naranasan ng mga propeta at apostol sa mga nagdaang kapanahunan, at karamihan sa mga salita ay mahalaga, at nakakapagbigay ng mga pangangailangan ng mga tao. Kaya, ibig ng lahat ng tao na magbasa ng Biblia. Dahil sa napakarami ang nakatago sa Biblia, ang mga pananaw ng tao hinggil dito ay hindi tulad sa mga kasulatan ng dakilang espirituwal na mga tao. Ang Biblia ay isang talaan at tinipong mga karanasan at kaalaman ng mga taong naglingkod kina Jehova at Jesus sa luma at bagong kapanahunan, at sa gayon nakakayanang magtamo ng mga sumunod na henerasyon ng maraming kaliwanagan, pagpapalinaw, at mga landas ng pagsasagawa mula rito. Ang dahilan kung bakit ang Biblia ay mas mataas kaysa sa mga kasulatan ng sinumang dakilang espirituwal na tao ay sapagkat ang lahat ng kanilang mga kasulatan ay hinango mula sa Biblia, ang kanilang mga karanasan ay nagmula lahat sa Biblia, at lahat sila ay nagpapaliwanag ng Biblia. At sa gayon, bagaman ang mga tao ay makakakuha ng panustos mula sa mga libro ng sinumang dakilang espirituwal na tao, sinasamba pa rin nila ang Biblia, dahil ito ay tila napakataas at napakalalim para sa kanila! Kahit na pinagsasama-sama ng Biblia ang ilang aklat ng mga salita ng buhay, tulad ng mga liham ni Pablo at mga liham ni Pedro, at bagaman ang mga tao ay matutustusan at matutulungan ng mga librong ito, hindi na rin napapanahon ang mga librong ito, ang mga ito ay nabibilang pa rin sa lumang kapanahunan, at kahit na gaano kainam ang mga ito, ang mga ito ay angkop lamang para sa isang panahon, at hindi panghabang-panahon. Sapagkat ang gawain ng Diyos ay palaging umuunlad, at ito ay hindi maaaring basta na lamang tumitigil sa panahon nina Pablo at Pedro, o palagiang mananatili sa Kapanahunan ng Biyaya kung saan si Jesus ay ipinako sa krus. At kaya, ang mga librong ito ay angkop lamang para sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa Kapanahunan ng Kaharian ng mga huling araw. Ang mga ito ay magkakaloob lamang para sa mga mananampalataya ng Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa mga banal ng Kapanahunan ng Kaharian, at hindi mahalaga kung gaano kainam ang mga ito, ang mga ito ay lipas pa rin. Ito ay kapareho ng gawain ni Jehova ng paglikha o ng Kanyang gawain sa Israel: Hindi mahalaga kung gaano kadakila ang gawaing ito, ito pa rin ay wala na sa panahon, at ang oras ay darating pa rin kung kailan ito ay tapos na. Ang gawain ng Diyos ay kapareho rin: Ito ay dakila, ngunit darating ang panahon kung kailan natatapos ito; hindi ito palagiang mananatili sa gitna ng gawain ng paglikha, ni sa gitna ng pagpapako sa krus. Kung gaano man kapani-paniwala ang gawain ng pagpapako sa krus, kung gaano man kabisa ito sa pagdaig kay Satanas, ang gawain ay, kung tutuusin, gawain pa rin, at ang mga kapanahunan, kung tutuusin, ay mga kapanahunan pa rin; ang gawain ay hindi palaging mananatili sa parehong pundasyon, ni ang mga panahon ay hindi nagbabago kailanman, dahil mayroong paglikha at dapat mayroong mga huling araw. Ito ay hindi maiiwasan!

—mula sa “Tungkol sa Biblia (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ito ay dahilan sa sinundan ng Biblia ang ilang libong taon ng pantaong kasaysayan at lahat ng tao ay itinuturing ito na parang Diyos hanggang sa punto na ang mga tao sa mga huling araw ay pinalitan na ng Biblia ang Diyos. Ito ay isang bagay na talagang kinapopootan ng Diyos. Kaya sa Kanyang libreng panahon, kinailangan Niyang liwanagin ang kuwentong napapaloob at ang pinagmulan ng Biblia. Kung hindi, maaari pa ring palitan ng Biblia ang lugar ng Diyos sa mga puso ng mga tao at maaari nilang kondenahin at sukatin ang mga pagkilos ng Diyos batay sa mga salita sa Biblia. Ang paliwanag ng Diyos sa kakanyahan, sa pagkakabuo, at sa mga kakulangan ng Biblia ay lubusang hindi pagkakaila sa pag-iral nito, ni kinokondena nito ang Biblia. Sa halip, ito ay upang magbigay ng makatuwiran at angkop na paliwanag, upang mapanumbalik ang orihinal na imahe ng Biblia, at upang ituwid ang mga maling-pagkaunawa na mayroon ang mga tao tungo sa Biblia nang sa gayon magkaroon ang lahat ng tao ng tamang pananaw rito, hindi na sambahin ito, at hindi na mga nawawala—napapagkamalian nila ang kanilang bulag na pananampalataya sa Biblia bilang pananalig at pagsamba sa Diyos, at hindi pa nga nila pinangangahasang harapin ang totoong pinagmulan nito at ang mahihinang punto nito. Matapos magkaroon ang lahat ng dalisay na pagkaunawa sa Biblia maaari nilang isantabi ito nang walang alinlangan at matapang na tanggapin ang mga bagong salita ng Diyos. Ito ang layunin ng Diyos sa ilang kabanatang ito. Ang katotohanang nais sabihin ng Diyos sa mga tao rito ay na walang teorya o katunayan ang makapapalit sa kasalukuyang gawain o mga salita ng Diyos, at walang makapapalit sa posisyon ng Diyos. Kung hindi kaya ng mga taong itakwil ang lambat ng Biblia, hindi sila kailanman makakalapit sa harapan ng Diyos. Kung nais nilang makalapit sa harapan ng Diyos, kailangan muna nilang linisin ang kanilang mga puso sa anumang maaaring pumalit sa Kanya—sa ganitong paraan mabibigyang-kasiyahan ang Diyos.

—mula sa Panimula sa Ang mga Salita ni Cristo nang Siya’y Naglakad sa mga Iglesia sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Kung nais mong makita ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, at makita kung paano sumunod ang mga Israelita sa landas ni Jehova, kung gayon dapat mong basahin ang Lumang Tipan; kung nais mong maunawaan ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, kung gayon dapat mong basahin ang Bagong Tipan. Ngunit paano mo makikita ang mga gawain sa huling mga araw? Kailangan mong tanggapin ang pamumuno ng Diyos sa kasalukuyan, at makilahok sa gawain sa kasalukuyan, dahil ito ang bagong gawain, at wala pang nakapagtatala nito sa Biblia. Ngayon, ang Diyos ay naging katawang-tao at pumili ng ibang mga hinirang sa Tsina. Ang Diyos ay gumagawa sa mga taong ito, nagpapatuloy Siya mula sa Kanyang gawain sa daigdig, nagpapatuloy mula sa gawain sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawain sa kasalukuyan ay isang landas na hindi pa kailanman nalakaran ng tao, at daan na walang sinuman ang nakakita. Ito ay gawain na hindi pa kailanman nagawa—ito ang pinakabagong gawain ng Diyos sa mundo. Kaya, ang gawain na hindi pa nagawa noon ay hindi kasaysayan, dahil ang ngayon ay ngayon, at hindi pa nagiging nakaraan. Hindi alam ng mga tao na ang Diyos ay nakagawa nang mas higit, mas bagong gawain sa mundo, at sa labas ng Israel, na lumampas ito sa saklaw ng Israel, at lampas sa panghuhula ng mga propeta, na bago at kahanga-hangang gawain ito na wala sa mga propesiya, at bagong gawain na lampas sa Israel, at gawain na hindi maaaring mahiwatigan o akalain ng mga tao. Paanong ang Biblia ay naglalaman ng malinaw na mga talaan ng nasabing gawain? Sino ang maaaring magtala ng bawat isang kapiraso ng gawain ngayon, nang walang makakaligtaan, sa patiuna? Sino ang maaaring magtala nitong mas makapangyarihan, mas matalinong gawain na humahamon sa kinaugalian na nasa lumang inaamag na libro? Ang gawain sa kasalukuyan ay hindi kasaysayan, at dahil dito, kung nais mong lumakad sa bagong landas ngayon, sa gayon kailangan mong lisanin ang Biblia, dapat mong higitan ang mga libro ng propesiya o kasaysayan na nasa Biblia. Saka ka lamang maaaring makalakad sa bagong landas nang maayos, at saka ka lamang makakapasok sa bagong kaharian at sa bagong gawain. Dapat mong maunawaan kung bakit, ngayon, hinihiling na huwag mong basahin ang Biblia, kung bakit mayroong ibang gawain na hiwalay sa Biblia, kung bakit ang Diyos ay hindi na naghahanap ng mas bago, mas detalyadong pagsasagawa sa Biblia, kung bakit sa halip ay mayroong mas makapangyarihang gawain sa labas ng Biblia. Ito ang lahat ng dapat ninyong maunawaan. Kailangan mong malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng luma at bagong gawain, at kahit na hindi mo binabasa ang Biblia, dapat kaya mo itong suriin; kung hindi, sasambahin mo pa rin ang Biblia, at magiging mahirap para sa iyo na makapasok sa bagong gawain at sumailalim sa mga bagong pagbabago. Yamang mayroong mas mataas na paraan, bakit mag-aaral ng mas mababa, makalumang paraan? Yamang may bagong mga pagbigkas, at mas bagong gawain, bakit mamumuhay sa gitna ng lumang makasaysayang mga talaan? Ang mga bagong pagbigkas ay maaaring makapaglaan sa inyo, na nagpapatunay na ito ang bagong gawain; ang mga lumang talaan ay hindi magagawang pagsawain ka, o tutugon sa iyong kasalukuyang pangangailangan, na nagpapatunay na kasaysayan ang mga ito, at hindi gawain ng dito at ngayon. Ang pinakamataas na paraan ay ang pinakabagong gawain, at sa bagong gawain, kahit gaano pa kataas ang daan ng nakaraan, ito pa rin ay kasaysayan ng mga pagninilay ng mga tao, at kahit gaano pa ang halaga nito bilang sanggunian, ito pa rin ay lumang landas. Kahit na ito ay naitala sa “banal na aklat,” ang lumang landas ay kasaysayan; kahit na walang nakatala nito sa “banal na aklat,” ang bagong landas ay ang dito at ngayon. Ang ganitong paraan ang maaaring magligtas sa iyo, at maaari kang mabago ng ganitong paraan, dahil ito ay gawain ng Banal na Espiritu.

—mula sa “Tungkol sa Biblia (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Inirekomendang pagbabasa:Ano ang Biblia? Maraming tao ang nakakaalam na ito ay isang klasiko ng Kristiyanismo, kabilang ang Luma at Bagong Tipan, gayunpaman, kung ano ang nasa loob ng katotohanan ng Biblia, walang sinuman ang maaari itong gawing malinaw. alamin natin ang tungkol sa misteryo ng Biblia!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento