Ni Li Zhi, Lalawigan ng Liaoning
Noong taong 2000, lubos akong pinalad na marinig ang ebanghelyo ng kaharian ng Makapangyarihang Diyos.
Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang misteryo ng mga pangalan ng Diyos, ang misteryo ng mga pagkakatawang-tao ng Diyos, at ang mga katotohanan hinggil sa mga bagay na tulad ng kung paano iniligtas ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos ang sangkatauhan, at kung paano sila lubos na nagbabago, nadadalisay at nagiging perpektong tao. Nakatitiyak ako na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus, at masaya kong tinanggap ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos. Pagkatapos niyan, aktibo akong nakibahagi sa mga gawain sa iglesia, at sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagpapatotoo para sa Diyos. Noong 2002, nakilala ako sa buong lugar namin dahil sa pangangaral ng ebanghelyo at palaging nanganganib na madakip ng mga pulis ng CCP. Wala akong nagawa kundi lisanin ang aking tahanan upang maaari akong magpatuloy na magampanan ang aking tungkulin.
Ang pamahalaang CCP ay palaging gumagamit ng mga telepono bilang paraan para matunton at madakip ang mga Kristiyano, kaya hindi ako naglakas-loob na tawagan ang aking pamilya pagkaalis ko sa aming tahanan. Noong mga unang buwan ng 2003 halos isang taon na akong nahiwalay sa aking pamilya, kaya nagpunta ako sa tahanan ng aking biyenang babae upang makita ang aking asawa dahil labis akong nangungulila sa kanila. Nang makita niya na bumalik ako, ang nakababatang kapatid na lalaki ng aking asawa ay tumawag sa aking ina at sinabi sa kanya na naroon ako sa bahay ng aking biyenang babae. Laking gulat ko, nang makalipas ang tatlong oras, apat na pulis mula sa Municipal Public Security Bureau ang dumating sakay ng sasakyan ng pulis sa bahay ng aking biyenang babae. Sa sandaling nakapasok sila sa bahay, mabagsik nilang sinabi, “Mula kami sa Municipal Public Security Bureau. Ikaw si Li Zhi, di ba? Nasa listahan ka ng mga taong dadakpin namin nang halos isang taon na, at sa wakas nahuli ka namin ngayon! Sumama ka sa amin!” Takot na takot ako; at nanalangin ako sa Diyos sa aking puso nang walang humpay: “Oh Makapangyarihang Diyos! Dinarakip po ako ngayon ng pamahalaang CCP sa Iyong pahintulot. Ngunit napakaliit ng pangangatawan ko, at naduduwag ako at natatakot. Nawa’y gabayan at ingatan ako, at pagkalooban ako ng pananampalataya at lakas. Anuman ang gawin nilang pagtrato sa akin, nais kong umasa sa Iyo at tumayong saksi. Pipiliin ko pong mabilanggo kaysa maging isang Judas at ipagkanulo Ka!” Pagkatapos manalangin, naisip ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Ang Kanyang disposisyon ang simbolo ng awtoridad, ang simbolo ng lahat ng matuwid, ang simbolo ng lahat ng maganda at mabuti. Higit pa rito, ito ang simbolo Niya na hindi maaaring[a] magapi o masakop ng kadiliman at anumang puwersa ng kaaway …” (“Napakahalaga na Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). “Tama,” naisip ko sa aking sarili. “Taglay ng Diyos ang dakilang kapangyarihan at namamahala sa lahat ng bagay. Sa nakalipas na ilang taon, ginawa ng pamahalaang CCP ang lahat ng makakaya nito para guluhin at hadlangan ang paglaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos, at magkagayunman ang mga yaong kabilang sa lahat ng relihiyon at denominasyon na tapat na naniniwala sa Diyos at nakikinig sa tinig ng Diyos ay nakabalik na sa harapan ng Kanyang trono upang tanggapin ang Kanyang pagliligtas sa mga huling araw. Malinaw dito na walang puwersang makapipigil sa gawain ng Diyos, at walang taong makahaharang sa daraanan nito. Bagama’t ako ngayon ay bumagsak sa mga kamay ng mga pulis ng CCP, sila mismo ay nasa mga kamay ng Diyos, at dahil nariyan ang Diyos sa tabi ko wala akong dapat ikatakot!” Nagbigay ng pananampalataya at lakas sa akin ang mga salita ng Diyos, at nagsimula akong unti-unting mapanatag.
Dinala ako sa isang silid ng interogasyon pagkadating namin sa Municipal Public Security Bureau. Inalis ng pulis ang sinturon ko, hinubad ang aking damit, mga sapatos at mga medyas, at kinapkapan ako. Pagkatapos niyon, isa sa mga pulis ang sumigaw, “Bilisan mo lang at sabihin mo sa amin ang lahat ng nalalaman mo. Ilang taon ka nang naging mananampalataya? Sino ang nangaral sa iyo nito? Sino ang mga lider ng iglesia ninyo? Ilang tao na ang naturuan ninyo nito? Ano ang ginagawa ninyo sa iglesia?” Hindi ko sinagot ang kanyang mga tanong, na agad niyang ikinapahiya at nagalit siya, at sumigaw siya ng, “Kung hindi ka magsasalita ngayon, marami kaming paraan para mapasalita ka!” Habang sinasabi ito walang awa niya akong hinatak mula sa upuan hanggang malugmok ako sa sahig. Tinapakan ng dalawang opisyal ang aking mga binti samantalang ang dalawang iba pa ay mariing tinapakan ang aking likod. Halos humampas ang ulo ko sa sahig at nahirapan akong huminga. Isa sa mga pulis ang kumuha ng isang lapis at marahang iginuhit ito nang pabalik-balik sa talampakan ng aking mga paa, kapwa nasasaktan at nakikiliti ako. Hindi ko iyon matiis; napakahirap huminga na halos habulin ko ang aking paghinga, at nakadama ako ng takot na mamatay. Isa sa kanila ang patuloy na nagbanta sa akin: “Magsasalita ka ba o hindi? Kung hindi, pahihirapan ka namin hanggang sa mamatay ka!” Talagang natakot ako sa harap ng pagpapahirap at pananakot ng grupong ito ng mga pulis: natakot ako na pahihirapan nila ako hanggang sa mamatay. Ang magagawa ko na lamang ay patuloy na manalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na pagkalooban ako ng pananampalataya at lakas, at ingatan ako upang maaaring makatayo akong saksi at hindi kailanman maging Judas at ipagkanulo Siya. Pagkatapos manalangin, pumasok sa isipan ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang pananampalataya ay gaya ng isang tulay na may iisang troso, sila na matinding nakakapit sa buhay ay mahihirapang tumawid rito, ngunit sila na handang isakripisyo ang kanilang mga sarili ay makatatawid nang walang pangamba. Kung ang tao ay mayroong mga isipang nag-aalala at natatakot, sila ay nililinlang ni Satanas, Natatakot ito na makatatawid tayo sa tulay ng pananampalataya upang makapasok sa Diyos” (“Kabanata 6” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Nabigyang-inspirasyon ng mga salita ng Diyos, kaagad kong nadama ang pagdaloy ng lakas sa loob ko, at natanto ko na ang karuwagan at takot ko na mamatay ang dahilan kung bakit ako napaglalaruan ni Satanas. Umaasa sa wala ang pamahalaang CCP na mapaamin ako sa malupit na pagpapahirap sa akin bilang paraan nila para mapilitan akong sumuko sa mapaniil na kapangyarihan nito, na ipagkanulo ang iglesia at maging Judas na nagkanulo sa Diyos dahil takot akong mamatay o ayaw kong makaranas ng anumang sakit. Hindi ko mahahayaang magtagumpay ang tusong balak ni Satanas, at nagpasiya ako na tatayong saksi para sa Diyos kahit ibuwis ko pa ang sarili kong buhay. Patuloy akong pinahirapan ng pulis sa gayong paraan, pero hindi na ako nakadama ng sobrang takot. Alam ko sa sandaling iyon na ang Diyos yaong nagpapakita ng Kanyang awa at pangangalaga sa akin, at lubos akong nagpapasalamat sa Kanya.
Pinosasan ako ng dalawang pulis at ibinalik sa upuan at mabalasik na itinanong muli sa akin ang gayon ding mga bagay. Nakitang hindi pa rin ako sumasagot, pinatindi pa nila ang pagpapahirap sa akin. Hinila nila ang aking mga braso nang tuwid at pwersahang binatak nang pabalik-balik sa likuran ko. Kapagdaka, parang mapipigtas ang mga ito at pinagpawisan ang buong katawan ko dahil sa matinding sakit na dulot nito; wala akong magagawa kundi ang mapasigaw nang malakas. Hinila nila ang aking mga binti para mapunta sa ulunan ko ang aking mga paa, at pagkatapos ay binatak sa magkasalungat na direksyon ang aking mga hita. Dahil sa matinding sakit ng pagbatak sa mga hita ko halos mawalan ako ng malay. Sa aking puso, patuloy lang akong nanalangin sa Diyos: “Oh Makapangyarihang Diyos! Mangyaring pagkalooban ako ng pananampalataya at lakas at ng determinasyon na matiis ang sakit na ito. Nawa’y Ikaw ang aking maging matibay na suporta na nagbibigay ng lakas sa aking espiritu. Anumang malupit na mga paraan ang ginagamit sa akin ng grupong ito ng mga demonyo, ako po ay palaging magtitiwala sa Iyo at tatayong saksi.” Matapos akong manalangin, isang himno ng mga salita ng Diyos ang sumagi sa aking isipan: “Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal para sa mga tao ang maging mahina, o magkaroon ng pagiging negatibo sa loob nila, o magkulang ng linaw sa kalooban ng Diyos o ng landas nila para sa pagsasagawa. Nguni’t sa paanuman, dapat kang magtaglay ng pananampalataya sa gawain ng Diyos, at huwag ikaila ang Diyos, gaya ni Job. … Sa ganitong paraan, ang ginagawang perpekto ay ang pananampalataya ng mga tao at mga paghahangad. Hindi mo ito mahihipo o makikita; sa ganitong mga pagkakataon kinakailangan ang iyong pananampalataya. Kinakailangan ang pananampalataya ng mga tao kapag ang isang bagay ay hindi nakikita ng mata lamang, at kinakailangan ang iyong pananampalataya kapag hindi mo mapakawalan ang iyong sariling mga pagkaunawa. Kapag hindi malinaw sa iyo ang gawain ng Diyos, kinakailangan ang iyong pananampalataya at na manindigan ka nang matibay at tumayong saksi. Nang marating ni Job ang puntong ito, nagpakita sa kanya ang Diyos at nangusap sa kanya. Iyon ay, mula lamang sa loob ng iyong pananampalataya makakaya mong makita ang Diyos, at kapag mayroon kang pananampalataya gagawin kang perpekto ng Diyos” (“Kailangan ang Pananampalataya sa mga Pagsubok” sa Sumunod sa Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Ang mga salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng malaking pananampalataya at lakas. Inisip ko ang pinagdaanang matitinding pagsubok ni Job, nang ang kanyang buong katawan ay napuno ng mahahapding bukol at nagdanas ng napakatinding sakit. At magkagayunman, sa kabila ng kanyang nadamang sakit, nagawa pa niyang hangarin ang kalooban ng Diyos; hindi siya nagkasala sa kanyang mga salita o ikinaila ang Diyos; ngunit sa halip sinunod niya ang Diyos at pinuri ang banal na pangalan ng Diyos. Taglay ni Job ang tunay na pananampalataya at pagpipitagan sa Diyos, at dahil diyan nagawa niyang tumayong saksi para sa Diyos at lubusang ipinahiya at dinaig si Satanas—sa wakas, nagpakita ang Diyos at nangusap sa kanya. Ang nangyaring paghihirap at pagsubok sa akin ngayon ay ipinahintulot din ng Diyos. Bagama’t hindi ko lubusang naunawaan ang kalooban ng Diyos at napakatindi ng sakit na naranasan ng aking katawan, gayunpaman ang Diyos pa rin ang makapagsasabi sa huli kung ako ay mabubuhay o mamamatay, at nang walang pahintulot Niya, hindi kailanman makukuha ng mga pulis ang buhay ko gaano man nila ako pahirapan. Mababagsik kung tingnan ang mga pulis na ito, ngunit sa harapan ng Diyos sila ay mga tigreng papel lamang, mga kasangkapan lamang sa mga kamay ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang kanilang kalupitan at pagpapahirap para gawing perpekto ang aking pananampalataya, at hangad ko na manatiling tapat sa Diyos, ibigay ang aking sarili nang lubos sa Kanyang mga kamay, at magtiwala sa Diyos para madaig si Satanas at hindi na matakot pa sa mga pulis.
Paulit-ulit akong pinahirapan ng mga pulis. Nakikitang hindi pa rin ako nagsasalita, dinampot ng isa sa mga pulis ang isang puting bakal na ruler na mga 50 cm ang haba at sinimulan akong hampas-hampasin nang buong lupit sa aking mukha gamit ito. Hindi ko alam kung ilang beses niya akong hinampas; namaga ang mukha ko at sobrang sakit nito. Umikot ang aking paningin at tila nakakita ako ng mga bituin at sumakit ang ulo ko. Tinadyakan ako sa mga hita ng dalawa sa mga pulis gamit ang takong ng kanilang balat na sapatos. Nalugmok ako sa napakatinding sakit sa bawat pagtadyak. Sa aking pagdurusa, ang tanging magagawa ko ay taimtim na manalangin sa Diyos sa aking puso, hinihiling sa Kanya na ingatan ako nang sa gayon ay maaaring makaya ko ang malupit na pagpapahirap na ginawa sa akin ng mga pulis ng CCP.
Noong alas-8 ng kinaumagahan, pumasok ang pinuno ng Criminal Police Brigade sa silid ng interogasyon. Nang malaman na wala pang nakukuhang anumang impormasyon sa akin ang mga pulis, mabalasik niyang sinabi, “Ayaw mong magsalita, ha? Hmph! Sige, tingnan natin!” At pagkatapos ay umalis siya. Nang hapong iyon, isang matabang opisyal na may dalang ID card sa kanyang kamay ang lumapit sa akin at nagtanong, “Kilala mo ba ang taong ito?” Nakita ko agad na iyon ay isang kapatid sa iglesia mula sa nayon kung saan din ako nagmula. Sinabi ko sa sarili ko: “Anuman ang mangyari, hindi ko dapat isuplong ang aking kapatid.” At kaya nga, sumagot ako, “Hindi, hindi ko siya kilala.” Naningkit ang kanyang mga mata, at kinuha niya ang isang electroshock baton na nakalagay sa ibabaw ng mesa. Iwinawasiwas ito sa harap ng aking mukha, nagbabantang sinabi niya, “Matigas ang ulo mo. Alam ko na isa kang lider sa iglesia, kaya umamin ka na! Ilan ang mga miyembro ninyo sa inyong iglesia? Nasaan ang pera ng iglesia? Kung hindi mo sasabihin sa akin, ipatitikim ko sa iyo ang electroshock baton na ito!” Nang tingnan ko ang masamang mukha ng pulis, nakadama ako ng matinding takot at dali-daling tahimik na umusal ng panalangin sa Diyos. Sa sandaling iyon, sumagi sa isipan ko ang mga salita ng Diyos: “Huwag matakot, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ay nasa inyong likuran at Siya ang inyong sanggalang” (“Kabanata 26” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Nagtataglay ng awtoridadad nagbigay ng pananampalataya at lakas sa akin ang mga salita ng Diyos at kagyat kong nadama na tila mayroon akong masasandigan. Naisip ko sa aking sarili: “Makapangyarihan sa lahat ang Diyos, at kahit napakalupit pa ni Satanas at ng mga demonyo, hindi ba’t nasa kamay rin sila ng Diyos? Kasama ang Makapangyarihang Diyos bilang matibay kong suporta, wala akong dapat ikatakot!” kaya simple akong tumugon, “Wala akong nalalamang anuman.” Mabalasik na sinabi ng matabang pulis, “Ito ang mapapala mo dahil wala kang kahit anong alam!” Nang sabihin niya ito, idinaiti niya ang electroshock baton sa posas ko at isang malakas na daloy ng kuryente ang nanuot sa buong katawan ko na napakasakit—hindi ko mailarawan ang sakit. Patuloy akong kinuryente ng pulis gamit ang baton, at nang halos hindi ko na ito makayanan, isang himala ang nangyari: Naubos ang baterya nito! Nasaksihan ko ang pagka-makapangyarihan sa lahat at dakilang kapangyarihan ng Diyos, at higit pa riyan naranasan ko ang katotohanang nariyan palagi ang Diyos sa aking tabi, binabantayan ako, iniingatan ako, at isinasaalang-alang ang aking kahinaan. Nadagdagan ang aking pananampalataya at napatibay ang aking determinasyon na tumayong saksi para sa Diyos.
Natanto kalaunan ng pulis na hindi pa rin talaga ako magsasalita, at kaya dala-dalawang nagsalitan sila sa pagbabantay sa akin. Hindi nila ako pahihintulutang kumain, uminom ng tubig o kahit matulog. Sa sandaling mapapapikit ako, hahampasin at sisipain nila ako, sa pag-asang bibigay din ako. Gayunpaman, ginabayan ako ng Diyos na makita ang kanilang tusong balak, at tahimik akong nanalangin sa Diyos, kumanta ng mga himno sa aking isipan at pinagnilayan ang mga salita ng Diyos at, bago ko namalayan, sumigla ang aking espiritu. Sa kabilang banda, patuloy sa pag-inom ng kape ang mga pulis na ito at gayunman dahil sa sobrang pagod ay palagi silang naghihikab. Nagtatakang sinabi ng isa sa kanila, “Siguro mayroon siyang kakaibang kapangyarihan kaya nakakatagal siya, kung hindi paano pa siya nagkakaroon ng ganoong lakas?” Nang marinig ko na sinabi ito ng pulis, paulit-ulit kong pinapurihan ang dakilang kapangyarihan ng Diyos, dahil lubos kong nalalaman sa aking puso na nangyari ang lahat ng ito dahil sa paggabay ng mga salita ng Diyos, at dahil ito sa sariling kapangyarihan ng Diyos sa buhay na nagpapalakas sa akin at nagkakaloob sa akin ng pananampalataya at lakas. Bagama’t hindi ko alam noon kung ano pang mga uri ng malupit na pagpapahirap ang gagawin sa akin ng mga pulis, mayroon akong pananampalataya na umasa sa Diyos para maharap ang mga mangyayari pang mga interogasyon, at matibay kong ipinasiya na: Hindi ako kailanman susuko sa mabagsik na kapangyarihan ng pamahalaang CCP, kundi tatayong saksi para sa Diyos!
Maraming mga tao ang nagnanais na malaman kung ano ang kahulugan ng buhay. Sama-sama nating basahin ang artikulong ito at hanapin ang kasagutan.
Maraming mga tao ang nagnanais na malaman kung ano ang kahulugan ng buhay. Sama-sama nating basahin ang artikulong ito at hanapin ang kasagutan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento