Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos - Kingdom Praise Musical Drama

菜單

Ene 23, 2020

Dumating Ako sa Malinaw na Pagkilala sa Pagmamahal at Pagkamuhi sa Pamamagitan ng Pagsailalim sa Kapaitan ng Pag-uusig

Ni Zhao Zhi, Probinsya ng Hebei

Ang pangalan ko ay Zhao Zhi at ako ay edad 52 anyos ngayong taong ito. Isa akong tagasunod sa Makapangyarihang Diyos sa loob ng labing-apat na taon. Bago ko nakamtan ang aking pananampalataya, nagnenegosyo ako; madalas ay abala ako sa pag-aasikaso sa mga tao, pagpapadala ng mga regalo sa mga tao, at pakikisalamuha sa mga tao. Madalas akong pasok-labas sa mga lugar-aliwan tulad ng mga lugar ng karaoke at mga pasugalan. Palagi akong inaaway ng asawa ko dahil dito at sa huli’s nagbanta na siya na hihiwalayan ako at iiwan ang tahanan namin. Nang panahon na iyon, nalulong ako sa ganoong pagkalusak at hindi ako makaalis, at kahit na pinagsikapan kong alagaan ang pamilya ko, hindi ko ito magawa nang maayos. Pakiramdam ko’y talagang malungkot ang buhay; pagod na pagod ako. Nang Hunyo ng 1999, dumating sa amin ang grasya ng pagligtas ng Makapangyarihang Diyos, at sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pakikibahagi kasama ang mga kapatid, nakita ng asawa kong ang kadiliman sa mundo at katiwalian ng tao ay lahat dahil sa kasamaan at paglalaro sa amin ni Satanas. Nagpahayag siya ng pagkaintindi sa aking sitwasyon at binuksan niya ang puso niya sa akin sa pamamagitan ng pakikibahagi sa akin. Sa pamamagitan ng patnubay ng mga salita ng Diyos, nakita ko rin na ako ay nakalublob sa kawa ng kasalanan, at na hindi ito ikinasisya ng Diyos at kinapopootan Niya ito. Higit pa rito, nakita ko na ang inaasal ko ay talagang hindi tulad ng asal ng isang tunay na tao. Nadama ako ng taos na pagsisi at pagiging may kasalanan, at dahil dito nagpasiya ako sa harap ng Diyos na ako’y magiging bagong tao. Mula noon, sa bawat araw, nagdasal kami ng asawa ko at nagbasa ng mga salita ng Diyos, at madalas ay nakikipagtipon kami sa mga kapatid para sa pagbabahaginan. Bago pa namin mamalayan, nadama naming ang mga pag-aaway at pagkabalisa namin ay napawi at naglaho na parang ulap ng usok, at ang mga buhay naming ay naging puno ng kapayapaan at kaligayahan. Alam ko sa malalim na kalooban ko, na iniligtas ng Diyos ang aming pamilya sa panahong malapit na itong masira, at binigyan kami ng ganap na bagong mga buhay. Bukod pa sa matinding pakiramdam ng pasasalamat, tahimik din akong nagpasiya na ialay ang kabuuan ng aking pagkatao para ibalik ang grasya ng Diyos. Mula noon, buo kong ibinigay ang sarili ko sa pagsagawa ng mga tungkuli at pagbabahagi ng ebanghelyo para may mas marami pang tao na makakamit ng pagligtas na dinala sa amin ng Diyos sa mga huling araw. Kaya lang, ang pamahalaang Partido Komunista ng Tsina na hindi naniniwala sa Diyos ay hindi pinahihintulutan ang mga tao na sumamba sa Diyos o tahakin ang tamang landas, at lalong ayaw nitong hayaan ang mga tao na ipakalat ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos. Dahil naniniwala ako sa Diyos at sa pagpapalaganap sa ebanghelyo, ako ay sumailalim sa pag-aresto at pag-usig ng pamahalaang CCP…

Isa iyong araw sa panahon ng tagsibol noong 2002. Isinumbong ako at ang isang kapatid ng isang masamang tao sa pulis habang nagbabahagi kami ng ebanghelyo sa isang baryo. Agad na dumating ang mga pulis at, bago pa alamin nang buo ang sitwasyon, pinosasan na ako, at kinaladkad ako sa kotse ng pulis, at dinala ako pabalik sa istasyon. Pagkapasok na pagkapasok naming sa interrogation room, bago pa man ako makakilos, sumugod sa akin ang isang pulis, kinwelyuhan ako, at maraming beses akong sinampal nang malakas. Agad akong nahilo at nakakita ng mga estrelya, at hindi ko naiwasang madapa at matumba una-ulo sa sahig. Nagdudugo ako sa bibig at ilong at mahapdi ng mukha ko sa sakit. Nang makita ito ng masamang pulis, malupit na sinipa niya ako at nagngangalit siyang nagalit sa akin, “Hayop ka, huwag kang magpapanggap sa akin. Tayo!” Lumapit ang dalawa pang pulis, binitbit ako sa magkabilang braso, at ihinagis sa isang tabi, at pagkatapos ay sinimulan akong pagtulungan ng tatlong pulis na suntukin at sipain. Labis na sakit ang naramdaman ko sa buong katawan ko; natumba ako sa sahig at hindi na makabangon. Sa tingin nila sa akin, parang papatayin nila ako, at nanlilisik ang mga mata nila sa akin na parang mga tigreng nakatuon sa kanyang biktima. Sininghalan ako ng isa sa kanila, “Anong pangalan mo? Taga-saan ka? Bakit ka naroon sa bahay ng lalaking iyon? Kapag hindi ka nagsalita, malilintikan ka talaga sa akin!” Tahimik akong nagdasal sa Diyos, hiningi ko sa Kanyang pangalagaan ang puso ko at nang sa gayon ay manatili akong tahimik sa harap ng Diyos, at nawa’y bigyan ako ng pananalig at lakas ng loob para hindi matakot sa kanilang mga banta. Nang makita nilang hindi ako nagsasalita, pinulot ng isang talagang mukhang mabangis na pulis ang de-kuryenteng batuta at winasiwas sa harap ng mukha ko, sadyang pinatutunog ang kuryente nito. Dinuro niya ako at nagbabantang sinabi, “Magsasalita ka ba o hindi? Pag hindi, kukuryentehin kita hanggang mamatay ka.” Medyo natakot ako dito at agad na nagdasal sa Diyos. “O Diyos! Ang lahat ay nasa Iyong mga kamay, kasama na ang grupo ng masasamang pulis. Kung paano man nila ako tratuhin, ito’y ayon sa pahintulot Mo. Nakahanda akong sumailalim sa Iyong mga orkestasyon at pagsasaayos. Kaya lang, napakaliit ng pangangatawan ko at pakiramdam ko’y mahina at natatakot. Pakiusap na bigyan Mo ako ng pananalig at lakas at alagaan ako upang hindi ako maging isang Judas. Huwag Mo hayaang mawala ko ang aking pagpapatotoo sa harap ni Satanas.” Pagkatapos kong magdasal, lumutang sa isip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang buhay ng nabuhay-na-muling Cristo ay nasa loob natin. Tunay na kulang ang ating pananampalataya sa presensya ng Diyos, at nawa ay pagkalooban tayo ng Diyos ng tunay na pananampalataya sa loob natin. Tunay ngang matamis ang salita ng Diyos! Ang salita ng Diyos ay makapangyarihang gamot! Hiyain ang mga diyablo at si Satanas! Kung maarok natin ang salita ng Diyos magkakaroon tayo ng sandigan at agad na ililigtas ng Kanyang salita ang ating mga puso! Pinapawi nito ang lahat ng bagay at ang lahat ay inilalagay sa kapayapaan. Ang pananampalataya ay gaya ng isang tulay na may iisang troso, sila na matinding nakakapit sa buhay ay mahihirapang tumawid rito, ngunit sila na handang isakripisyo ang kanilang mga sarili ay makatatawid nang walang pangamba. Kung ang tao ay mayroong mga isipang nag-aalala at natatakot, sila ay nililinlang ni Satanas, Natatakot ito na makatatawid tayo sa tulay ng pananampalataya upang makapasok sa Diyos” (“Kabanata 6” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). “Totoo nga!” naisip ko. “Masyado akong natatakot dahil nadala ako sa panlilinlang ni Satanas. Sa kabila ng mababangis na itsura ng mga pulis, ang lahat ay nasa kamay ng Diyos at ang Diyos ang nasa likuran ko. Kailangan kong umasa sa aking pananampalataya at sumandal sa mga salita ng Diyos upang mapagtagumpayan si Satanas!” Kaya, pinanatili kong nakapinid ang aking bibig, at nang makita niyang hindi ako umiimik ni isang salita, itinaas ng pulis ang batuta niya at dinunggol papunta sa akin. Mariin kong ipinikit ang mga mata ko at nagtiim-bagang ako para ihanda ang sarili sa pagdurusa ng matinding sakit, ngunit ang nakagugulat, maski paulit-ulit akong dinunggol ng batuta, wala akong anumang naramdaman. Inisip nilang kakaiba itong pangyayari, nagtaka sila’t sinabi, “Bakit hindi ito gumagana ngayon? Sira siguro—sumubok ng iba.” Pagkatapos ay kumuha sila ng isa pang baton para kuryentehin ako, ngunit hindi rin yun gumana. Patuloy akong bumibigkas sa loob ng puso ko, “O Diyos, salamat sa Iyo! Dininig mo ang dasal ko at palihim Mo akong inaalagaan. Ikaw ay labis na kaibig-ibig o, labis na tapat! Diyos, kahit na anong uri ng marahas na pagpapahirap ang makaharap ko sa hinaharap, handa akong magtiwala sa Iyo nang buong puso. Disidido akong tumindig nang matatag sa aking pagpapatotoo!” Nang makita nilang hindi umuubra ang mga batuta nila sa akin, hindi pa rin sila handang hayaan na lang nang gano’n, kaya pinosasan at ginapos nila ako, kinaladkad sa kotse ng pulis, at dinala sa isang gusaling may dalawang palapag malayo sa baryo.

Nang pumasok kami sa loob, malamig na ngumiti ang isang pulis at nagbabantang sinabi, “Nakikita mong walang anuman ditto at walang makakahanap sa lugar na ito. Ngayong andito ka, kung hindi ka pa rin magsasalita, ito na ang magiging katapusan mo. Ililibing ka rito, at walang makakaalam kailanman. Pag-isipan mo nang mabuti para sa sarili mo—kung matalino ka, sasabihin mo sa amin ang kailangan naming malaman.” Tumalon sa lalamunan ko ang puso ko nang narinig koi yon. Talagang hindi ko maubos maisip ano ang gagawin sa akin ng mga malulupit at tila uhaw sa dugong “Pulis ng Mamamayan” na nakatayo sa harap ko. Agad akong nanawagan sa Diyos mula loob ng puso ko, hinihingi sa Kanyang bigyan ako ng lakas at tibay ng loob para tiisin ang paghihirap at upang kayanin ko ang marahas na pagpapahirap na parating. Nang makitang ayaw ko pa ring magsalita kahit isang salit, sinugo ako ng dalawang pulis, at pinunit ang panlabas kong damit, at pagkatapos ay pinatayo ako sa isang tabi. Dinuro ako sa ilong ng isa sa kanila at pakutyang sinabi, “Tingnan mo iyan—hindi ka talaga marunong mahiya.” Yaong isa naman ay nagsimula nang kapkapan at halughugin ang damit ko sa loob at labas na parang isang gutom na asong naghahanap ng pagkain. Sa huli’y nakahanap lang siya ng 30 yuan, at pagkatapos ay ibinaling ang ulo niya paikot at binulalas ang mga salitang “Isa ka lang hampas lupang mahirap!” habang ibinubulsa ang pera. Dahil dito nakadama ako ng galit at poot. Naisip ko, “Paano nitong mga pulis “pinagsisilbihan an taumbayan”? Sila’y walang iba kundi mga masasama at mga bandidong nananakot sa mga tao at nang-aapi sa karaniwang mamamayan. Kung hindi ko to nakita gamit ang sarili kong mga mata, hindi ko alam kung gaano pa ako katagal naloko ng CCP sa mga kasinungalingan nito.” Nakita ko noon na ang mabuting kagustuhan ng Diyos ay nasa likod ng aking pagkakaaresto nang araw na iyon; hindi ako sadyang pinahihirapan ng Diyos, kundi ay nangyayari ito para makita ko nang malinaw ang masamang mukha ng pamahalaang CCP. Makalipas ang humigit-kumulang sa sampu pang minuto, may isa pang pulis na dumating na may dalawang dalawang kawad ng kuryente at may ngiting aso sa mukha niya, at inaambahan akong nagbabanta at sinabi, “Natatakot ka? Noong isang taon bago itong nakaraan, may isa ring kriminal na ayaw ding magsalita, ngunit hindi niya kinayanan ang makuryente. Sa huli ay sinabi niyang lahat. Nakatitiyak akong pilit naming mabubuksan iyang bibig mo!” Nang nakita kong kukuryentehin nila ako, nadama ko kapwa ang pagkamuhi at takot. Kung magtutuloy nang sapat na tagal ang ganoong pagpapahirap, siguradong mamatay ako. Agad akong nagdasa sa Diyos: “Diyos, ang masasamang pulis na ito ay napakabangis—natatakot akong hindi ko mapagtatagumpayan ang lahat ng ito. Pakiusap na alagaan Mo ako at bigyan ng lakas upang hindi ako maging isa Judas at magtaksil sa Iyo dahil sa kahinaan ng aking kalamnan.” Pagkatapos kong magdasal, niliwanagan ako ng Diyos para maisip ang kantang ito ng iglesia: “Maaaring sumabog ang aking utak at dumaloy ang aking dugo, ngunit hindi mawawala ang tapang ng mga tao ng Diyos. Ang mga payo ng Diyos ay nasa puso, determinado akong pahiyain ang diyablong si Satanas. Itinatadhana ng Diyos ang pasakit at mga paghihirap, titiisin ko ang kahihiyan upang maging tapat sa Kanya. Hinding-hindi ko na muling paiiyakin o bibigyan ng alalahanin ang Diyos” (“Nais Kong Makita ang Araw ng Kaluwalhatian ng Diyos” sa Sumunod sa Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). “Totoo talaga,” naisip ko. “Ang mga tao ng kaharaian ay kinakailangang may katapatan at katibayan ng isang nararapat sa kaharian—ang maging ganid para sa buhay at matakot sa kamatayan ay kaduwagan. Hunghang na inaakala ni Satanas na makukuha nitong pagtaksilin ako sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapahirap at sa ganoon ay masira ang pagkakataon kong makamit ang kaligtasan. Hinding-hindi ko maaaring hayaan ang ganitong plano nito na magkatotoo, at hinding-hindi ko maaaring hayaan na mapahiya ang pangalan ng Diyos dahil sa akin.” Nang mapag-isipan ko nang mabuti ang lahat ng ito, nakaramdam ako ng biglang sigla’t lakas sa loob ko at nahanap ko ang lakas ng loob harapin ang pagpapahirap.

Habang iniisip ko pa lang ang lahat ng ito, sinugod ako ng dalawang pulis, dinaganan ako sa sahig sa ibabaw ng tiyan ko, at pagkatapos ay idiniin ang isang silya sa ibabaw ko. May dalawa pang pulis na dumating, isa sa magkabilang panig ko, at kada isa’y tinatapakan at dinudurog ang bawat kamay ko. Pakiramdam ko’y nakapako na sa sahig ang mga kamay ko—hindi ako makagalaw ni kaunti. Kinuha ng pulis na may kawad ng kuryente ang dalang kawad mula sa circuit box at itinali ang isa nito sa dali ng kaliwang kamay, isa sa daliri ng kanang kamay, at pagkatapos ay binuksan ang kuryente mula sa circuit box. Agad na tumakbo ang kuryente sa bawat kalamnan ng katawan ko; sabay itong nakakamanhid at napakasakit at hindi ko mapigilang mangisay ang buong katawan ko. Napakasakit talaga na napasigaw ako. Isinalaksak ng masamang pulis ang gomang tsinelas sa bibig ko. Paulit-ulit nila akong kinuryente sa ganitong paraan, at sa sobrang sakit ay basang-basa na ako ng pawis, at hindi nagtagal ay basa na ang buong damit ko, na para akong binuhusan ng tubig. Habang kinukuryente ako, patuloy na sinisigawan ako ng pulis na, “Magsasalita ka na ba o ano? Kukuryentehin kita hanggang sa mamatay ka kapag hindi ka nagsalita! Ito ang napapala mo dahil sa hindi mo pagsasalita!” Nagtiim-bagang ako at pilit kong tiniis ang sakit nang walang imik. Nang makita nila ito, sinimulan pa nilang ituloy ang pangunguryente nang mas matagal. Sa huli, hindi ko na talaga makayanan at gusto ko nang mamatay. Ginamit ko ang bawat natitira kong lakas sa katawan para itulak ang dalawang pulis na nagdidiin ng silya sa ibabaw ko at inihampas ang ulo ko nang malakas sa sahig. Ngunit ang nakapagtataka, yaong matigas na sementong sahig ay biglang naging parang kasinglambot ng bulak, at maski gaano kalakas kong ihampas ang ulo ko dito ay wala itong epekto. Nang sandaling iyon, may ilang linya mula sa mga salita ng Diyos na madalas lumabas sa mga pagbabahagi dati na ngayon ay biglang naging malinaw sa isip ko: “Ang pagdurusa ng ilang tao ay umaabot sa isang partikular na punto, at ang kanilang mga saloobin ay nagiging kamatayan. Hindi ito ang tunay na pag-ibig sa Diyos; ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay mahihina at walang kapangyarihan!” (“Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). “Kahit nagdurusa ang inyong katawan, nasa inyo ang salita at pagpapala ng Diyos. Hindi ka maaaring mamatay kahit gusto mo: Papayag ka bang hindi makilala ang Diyos at hindi matamo ang katotohanan kung mamatay ka?” (“Mababago Mo Lamang ang Iyong Disposisyon sa Pamamagitan ng Pagsisikap na Matamo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo). Ang mga salita ng Diyos ay nagsilbing maamong paalala para sa akin na gusto ko nang mamatay dahil hindi na kaya ang paghihirap, at na hindi na ako magpapatotoo sa Diyos, at sa halip ay ipahihiya at pagtataksilan ang Diyos. Walang tapang, isang karuwagan, at hindi nito ipahihiya si Satanas ni kaunti. Hinayaan ako ng paglilinaw ng Diyos na makita na ang biglang pakiramdam na lumambot ang sahig ay ang Diyos na tahimik akong pinipigilan, inaalagaan ako, at hindi ako hinahayaang mamatay, sa pag-asang baka magpatotoo pa ako sa gitna ng ganito ka lagim na sitwasyon, at sa gayo’y mapahiya si Satanas at magdala ng kaluwalhatian sa Diyos. Sa pagkakakita ko sa pagmamahal at pag-aalaga ng Diyos, ito’y lubos akong nabuhayan ng loob at tahimik akong nagpasiya: Maski gaano ako pahirapan ng masasamang pulis na ito, magpapatuloy ako, at kahit na ako’y nasa huling hininga ko na, gagamitin ko iyon nang mabuti at magpapatotoo ako para sa Diyos, at hinding-hindi ko Siya bibiguin. Biglang nagkaroon ng lakas ang buong katawan ko—nagtiim-bagang ako at humandang tanggapin ang mas marahas pang pagpapahirap sa pagkukuryente.

Nang makita nilang hindi pa rin ako sumusuko, labis labis ang galit ng mga pulis na naglabasan ang mga ugat nila. Napakabangis ng kanilang mga mata, nagngangalit at nakakamao, na tila gustung-gusto nila akong kainin nang buhay. Yaong isa sa kanila nag alit nag alit, ay biglang lumusob sa akin, sinabunutan ako, pwersahang hinila ang ulo ko pataas, at nilapitan ang mukha ko at sinigawan ako nang may itsurang halimaw, “Isa kang dumi, magsasalita k aba o hindi? Kapag hindi, babalatan kita nang buhay at iiwan kita sa pinto ng kamatayan. Iyan ang mapapala mo sa hindi pagsasalita!” Pagkatapos ay binitiwan niya ang buhok ko, at galit na sumigaw sa isa pang masamang pulis, “Bigyan niyo siya ng nakamamatay na lakas ng kuryente!” Hindi ko kinayanan ang malakas na boltahe ng kuryente, hinimatay ako. Binuhusan nila ako ng malamig na tubig para gisingin, at ipagpatuloy ang kanilang pagpapahirap. Pagkatapos ng marami pang pagkuryente, nagdusa ako ng labis na sakit sa buong katawan ko. Hindi ko na talaga kaya pa at pakiramdam ko’y pwede akong mamatay maski anong sandal. Sa krisis na ito, ginabayan ako ng Diyos para isipin ang kanta ng iglesia: “Sa kahirapan, ang pangunguna ng mga salita ng Diyos ay nagpapalakas sa aking puso; hindi ko maaaring hawakan ang araro at lumingon sa likuran. Napakabihira ang matanggap ang pagsasanay ng kaharian at tiyak na hindi ko mapalalampas ang pagkakataong ito na magawang perpekto. Sa pagbigo sa Diyos, manghihinayang ako sa natitirang panahon ng buhay ko. Kung tatalikuran ko ang Diyos ako ay ikokondena ng kasaysayan. … Ang puso ko ay nagpapahalaga lamang sa katotohanan at tapat sa Diyos, hindi na ako magrerebelde at magiging dahilan ng pagdadalamhati ng Diyos. Nagpasiya na akong mahalin ang Diyos at manatiling lubusang tapat sa Diyos at walang makapipigil sa akin. At maninindigan ako’t magpapatotoo upang luwalhatiin ang Diyos gaano man kahirap ang mga pagsubok at pagdurusa. Mamumuhay ako nang makabuluhang buhay sa pamamagitan ng pagkakamit ng katotohanan at pagperpekto ng Diyos” (“Desididong Manatiling Lubusang Tapat sa Diyos” sa Sumunod sa Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Naisip ko rin ang mga salitang ito ng Diyos: “Kung mayroon ka lamang isang hininga, hindi ka hahayaang mamatay ng Diyos” (“Kabanata 6” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Sa patnubay ng mga salita ng Diyos, ang mahina kong puso ay muling nagkaroon ng lakas. Naisip ko sa sarili ko, “Kahit na gaano kabangis kayong mga Diablo kayo, kaya niyo lang pahirapan ang katawan ko at gawin ang buhay kong higit na kalunus-lunos kaysa kamatayan, ngunit hinding-hindi kailanman ninyo mababago ang kagustuhan kong sumunod sa Diyos. Huwag kayong mangahas mangarap na kaya niyo akong piliting ipagkanulo ang kahit na isa sa aking kapatid—kahit na ito’y ikamatay ko ngayon, palulugurin ko ang Diyos sa pagkakataong ito!” Nang sandaling naging handa akong isakripisyo ang buhay ko, muli kong nasaksihan ang pagiging makapangyarihan ng Diyos at pati na rin ang Kanyang habag at malasakit para sa akin. Maraming beses pa nila akong kinuryente, at nang nakita nilang talagang mangisay na nang mangisay ang buong katawan ko, hindi na sila nangahas na ipagpatuloy pa, natakot din na mamatay ako at sila ang panagutin. Ngunit hindi pa rin sila sumuko—iniangat muli nila ako mula sa lupa, pwersahang pinilipit ang mga braso ko sa likod ko at itinali nang lubid. Lubhang mahigpit ang pagkakagapos na sumakit nang husto ang mga pulsuhan ko, at hindi nagtagal at nanlamig at namaga ang mga kamay ko; sa labis na pagkamanhid ay nawala ang lahat ng pakiramdam ko sa kanila. Gusto pa ng masasamang pulis na ibitin ako para pahirapan pa, ngunit sa tuwing hinihila nila ang lubid, lumuluwag ito. Maraming beses nila itong sinubukan, ngunit bawat subok ay nabigo sila. Nagtataka, sabi nila, “Ano’ng nangyayari ngayong araw na ito? Napakahirap hilahin nitong lubid—sadyang kakaiba! Siguro signos ito na hindi natin dapat tuluyan itong taong ito?” Sabi ng isa sa kanila, “Hayaan niyo na! Tama na iyan para ngayong araw. Gumagabi na.” Kaya ang malupit na pulis na gusto pa akong ibitin ay napilitang sumuko, ngunit dinuro niya ako at nagbabantang sinabi, “Talagang maswerte ka sa araw na ito, pero maghintay ka’t tingnan mo kung ano ang nakalaan ko para sa iyo bukas!” Alam muli akong inalagaan ng Diyos, at nagpasalamat ako sa Kanya nang paulit-ulit sa kalooban ng puso ko. Nang sandaling iyon, naisip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Nasa loob ng Aking mga kamay ang lahat ng bagay sa sansinukob. Kung magsasalita Ako, mangyayari ito. Kung itatalaga Ko ito, gayon ang mangyayari. Nasa ilalim ng Aking mga paa si Satanas, nasa walang hanggang hukay ito!” (“Kabanata 15” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). “Ako ang iyong ayuda at dapat mayroon kang espiritu ng batang lalaki! Nagwawala si Satanas sa kahuli-hulihang paghihingalo nito pero hindi pa rin nito matatakasan ang Aking paghatol. Nasa ilalim ng Aking mga paa si Satanas at tinatapakan din ng inyong mga paa—totoo ito!” (“Kabanata 17” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Nang araw na iyon, personal kong nasaksihan ang kahanga-hangang pag-alaga ng Diyos sa akin, at personal kong naranasan na ang Diyos ay tunay na makapangyarihan at na Siya ang naghahari sa lahat ng bagay, na ang lahat-lahat sa langit at lupa ay nasa Kanyang mga kamay, at na ang lahat ng bagay, may buhay man o wala, ay buong-buong pinaghaharian ng Diyos. Nakita kong ang mismong mga masasamang pulis ay nasa ilalim ng orkestrasyon ng Diyos, at bagaman tila mga barbaro sila sa panlabas, kung walang pahintulot ng Diyos ay hindi nila maaaring hipuin maski isang hibla ng buhok sa ulo ko. Basta’t pinanatili ko ang pananalig ko sa Diyos at handa akong bitiwan ang buhay ko para sa ikalulugod Niya, at nakahanda akong magpatotoo sa Kanya, ang mga diyablong iyon ay tiyan ka mapapahiya at matatalo. Ito ang pagsasakatawan ng pagiging makapangyarihan ng Diyos at ang Kanyang lubos na tagumpay!

Walang tigil na pinahirapan ako ng mga pulis sa maliit na gusaling may dalawang palapag na iyon mula alas dos ng hapon hanggang alas sais, bago nila ako ibinalik sa presinto. Nang makabalik kami, inilagay nila ako sa isang bakal na hawla at ayaw nila ako bigyan ng anumang makakain o maiinom. Nilalamig, nagugutom, at nanghihina ang katawan, sumandal ako sa mga rehas ng kulungan at inisip ko ang lahat ng mga nangyari nang araw na iyon. May ilang salita ng Diyos na lumitaw sa isip ko: “Itong grupo ng magkakasabuwat![1] Bumababa sila sa gitna ng mga mortal upang magpakasawa sa sarap at magsanhi ng kaguluhan. Ang kanilang panggugulo ay nagsasanhi ng pagkasalawahan sa mundo at nagdudulot ng pagkataranta sa puso ng tao, at napapangit na nila ang tao kaya’t naging kahawig ang tao ng mga hayop na may hindi-matingnang kapangitan, hindi na nagtataglay ng katiting mang bakas ng orihinal na taong banal. Ninanais pa nilang magkaroon ng kapangyarihan bilang mga maniniil sa lupa. Hinahadlangan nila ang gawain ng Diyos upang bahagya na itong makasusulong at sinasarhan doon ang tao na parang nasa likod ng mga pader ng tanso at bakal. Sa pagkakaroon ng napakaraming kasalanan at pagiging sanhi ng napakaraming problema, mayroon pa ba silang maaasahan maliban sa maghintay ng pagkastigo?” (“Gawain at Pagpasok (7)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Sa paghahambing ng mga salita ng Diyos sa mga katotohanan, saw akas ay nakita ko nang malinaw na ang mga pulis na dati’y tinitingala ko ay sa totoo pala’y labis na marahas at mabangis. Mukha lang silang kagalang-galang at laging nagbubulalas tungkol sa tungkulin at katapatan, nagsusuot ng mukha ng kabaitan bilang mga “tagapagsilbi ng taumbayan,” ngunit ang totoo’y isa silang grupo ng malulupit at walang-pakiramdam na hayop, mga diyablo na maaaring pumatay ng isang tao nang walang pag-aalinlangan. Ano’ng mali sa aking pagkakaroon ng pananampalataya? Anong mali sa aking pagsamba sa Diyos? Tingin ng masasamang pulis sa akin ay kalabang mortal at tinrato ako sa pamamagitan ng di-makataong karahasan, at itinulak sa bingit ng kamatayan. Paano nagagawa ng isang matinong tao ang ganoong mga bagay? Hindi ba’t ang mga ganoong bagay ay diyablo lang ang makagagawa? Noon ko lang nakita na mukhang tao lang sa labas ang mga pulis na iyon, ngunit ang kanilang kalooban ay sa diyablo at masasamang espiritu na galit sa katotohanan at galit sa Diyos, at siyang likas na mga kalaban ng Diyos. Pumunta sila sa mundo talaga bilang mga nabubuhay n a multo para saktan at lamunin ang mga tao. Napuno ako ng poot para kanila at kasabay nito ay nagkaroon ako ng malalim na pagdama sa kabutihan at kagandahan ng Diyos. Bagamat, nahulog ako sa lungga ng diyablo, naroon ang Diyos kasama ko palagi at tahimik akong inaalagaan, pinasisigla at inaalo ako sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, at binibigyan ako ng pananalig at lakas upang makayanan ko ang paulit-ulit na pagpapahirap at pamiminsala sa akin ng mga diyablong iyon. Kahit na maraming beses nang nasa bingit ako ng kamatayan, inaalagaan ako ng Diyos gamit ang Kanyang dakilang kapangyarihan, at iniligtas ako sa kamatayan. Napakatotoo ng pagmamahal ng Diyos para sa akin! Tahimik kong sinabihan ang sarili ko: Kahit gaano pa akong pahirapan ng mga diyablong ito sa hinaharap, titindig akong saksi at palulugurin ang Diyos. Ang pagkalinaw at patnubay ng mga salita ng Diyos ay nagbigay-ginhawa sa puso ko at malaki ang iginaan ng sakit ng katawan ko. Kasama ang pag-ibig ng Diyos, nakaraos ako sa mahabang gabi.

Nang sumunod na araw, dalawang pulis ang tumayo sa harap ng hawla pagkatapos nilang kumain ng almusal. Tusong ngumiti ang isa sa kanila at sabi, “Kamusta ka na? Nagkaroon ka ba ng oras para pag-isip-isipan ang mga bagay kagabi? Kaya, magsasalita ka na o hindi?” Sumulyap ako sa kanya ngunit hindi ako sumagot. Nang nakita niya ito agad na nagbago ang tono niya—ipinasok niya ang kamay sa hawla, sinabunutan ako, at hinila ako palapit sa harap ng mukha niya. Pagkatapos ay pinaso niya ng sigarilyo ang dulo ng ilong ko, at tiningnan ako nang mabangis, at sinabi, “Sinasabi ko sa iyo, marami nang kriminal ang dumaan dito at maski ang pinakaayaw magsalita ay hindi nakaligtas sa tangan ko. Kahit na hindi ka man mamatay dito, babalatan pa rin kita nang buhay!” Hindi nagtagal at may dumating pang dalawang pulis; binuksan nila ang hawla at hinila ako palabas. Noon nanlalambot at nanghihina na ang mga binti ko at hindi ko kayang tumayo. Natumba ako sa sahig. Akala ng isa sa pulis, nagkukunwari lang ako, kaya lumapit siya sa akin at mabagsik na sinipa ako nang ilag beses, sumisigaw, “Akala mo pwede kang magpatay-patayan sa akin?” Hinila ako pataas ng dalawa pang pulis at hinataw ang kamao nila sa akin, sinuntok ang aking mukha at itaas ng katawan. Pagkatapos nilang patuloy na gawin ito nang matagal din, nakita nilang nanlulupaypay na ang aking katawan na parang isang bangkay, may dugong lumalabas mula sa ilong at bibig ko, at gulping-gupli na’t duguan ang mukha ko at parang wala nang buhay. Sabi ng isa sa kanila, “Di bale na, tumigil na tayo. Mukhang hindi na siya tatagal at kung mamatay siya sa mga kamay natin magkakaroon tayo ng malaking problema.” Noon lang nila itinigil ang kanilang marahas na pananakit sa akin at isinasaintabi nila ako. Narinig ko silang mahinang nag-uusap-usap na sila-sila lang, at sabi ng isa sa kanila, “Wala pa akong nakitang kasintigas niya sa buong panahon ng pagkapulis ko. Sa buong panahon wala siyang sinabi ni isang salita—kakaiba talaga!” Pakiramdam ko’y narinig ko ang tunog ng pagyuko ni Satanas, malungkot na pagbuntunghininga sa kanilang mga salita, at nakita ko itong nagmamadaling umalis sa takot sa harap ng pagkabigo. Nakikita ko rin ang Diyos na nakangiti mula sa pagkamit ng kaluwalhatian at nakaramdam ako ng di-mailalarawang kasiyahan. Tahimik akong nagbigay ng pasasalamat sa Diyos at hindi ko mapigil ang sarili sa pagkanta ng isang kanta ng iglesia, “Ang Kaharian” sa loob ng puso ko: “Diyos ang suporta ko, ano ang sukat ikatakot? Dapat kong labanan si Satanas hanggang dulo. Binubuhat tayo ng Diyos at kailangan nating iwanan ang lahat at bumahagi sa pagdurusa ni Cristo. Ihahanda ko ang aking pag-ibig at iaalay lahat ito sa Diyos, at tatagpuin ang Diyos sa luwalhati. … Mula sa kahirapan dumarating ang maraming matagumpay na mabuting mga sundalo. Matagumpay tayo sa Diyos at maging patotoo tayo kasama ang Diyos. Tingnan ang araw na makukuha ng Diyos ang luwalhati, darating ito kasama ng di-mapaglabanang puwersa. Dumadaloy lahat ng tao sa bundok na ito, lumalakad sa liwanag ng Diyos. Ang hindi mapantayang ringal ng kaharian ay dapat makita sa buong mundo” (Sumunod sa Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Mas lalo akong kumanta, mas sumigla ang pakiramdam ko. Nawari ko na sa pagsunod sa Diyos, ang pagdanas ng ganitong uri ng pang-aapi at paghihirap ay talagang isang karangalan para sa akin. Mabilis at malaki ang itinubo ng pananalig ko, at nanumpa akong lumaban kay Satanas hanggang sa katapusan. Ganito ako nakaraos sa isa nanamang araw.

May isang pulis na dumating noong mga alas nuwebe ng umaga nang ikatlong araw. Pagkapasok na pagkapasok pa lang niya nagpakilala siya sa akin at sinabi na siya ang hepe ng pulis sa presinto. Tumayo siya sa harap ko at, nagkukunwaring maamo, sabi niya, “Nahirapan ka na talaga. Nasa kabayanan ako dahil sa mga pagpupulong nitong mga nakaraang araw; kakabalik ko lang at nabalitaan ko ang tungkol sa nangyayari sa iyo. Mabagsik na pinagalitan ko sila—paano nila nagawang gulpihin ang isang tao nang basta na lang nang hindi muna iniintindi ang sitwasyon? Talagang wala sa lugar iyon.” Hindi ko naiwasang makaramdam ng pagkalito sa harap ng ganitong di-inaasahang “kabutihan” mula sa isang masamang pulis, ngunit noon mismo ay nakatanggap ako ng paalala mula sa mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng oras, ang Aking bayan ay dapat na nakabantay laban sa mga tusong pakana ni Satanas …” (“Kabanata 3” ng Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Nakita ko na isa ito sa mga panlilinlang ni Satanas—kapag nakita nitong hindi umuubra ang pamalo, susubukan nito gamitin ang karot sa pagsusubok na magawang ako’y magtaksil sa Diyos at ipagkanulo ang iglesia. Lumiwanag ang puso ko at nakaramdam ako ng tiwala sa sarili sa loob ko. Naisip ko, “Nagagamit ang katalinuhan ng Diyos batay sa panlilinlang ni Satanas. Maski gaano ka tuso at talino ka, ikaw na matandang diyablo, nasa akin ang mga salita ng Diyos upang patnubayan ako. Nananaginip ka kung iniisip mong magtatagumpay ang mga panlalalang mo!” Kahit na gaano man karaming “magagandang bagay” ang sinabi niya para akitin ako, hindi ko siya pinansin. Nang makita niyang walang bunga ang lahat, sa kalaunan ay wala siyang nagawa kundi umalis. Pagkatapos no’n, pumasok ang dalawang pulis at sinigawan ako, galit nag alit, “Gago ka, maghintay ka lang! Pwede ka naming pa-sentensiyahan maski walang anumang ebidensiya. Maghintay ka lang!” Kalmadong-kalmado ako sa harap ng mga banta, iniisip sa sarili ko, “Naniniwala ako na ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos, at kung makakatanggap ako ng sentensiya o hindi ay nasa mga kamay Niya rin. Wala sa mga diyablong ito ang huling salita, nasa Diyos ang huling salita. Kahit na anong mangyari, naniniwala akong may dahilan at kahulugan sa lahat ng ginagawa ng Diyos at nakahanda akong sumunod hanggang sa pinakadulo.”

Walang anumang ebidensya ang mga pulis para mahatulan ako, ngunit ayaw pa rin nila akong pakawalan. Ipinagkait nila sa akin ang pagkain at tubig nang maraming sunud-sunod na araw. Nang gabing iyon, sa labis na gutom ay wala na akong natitirang lakas ng katawan, at nag-isip ako kung mamamatay ako sa gutom kung magpapatuloy nang ganoon ang kalagayan ko. Noon mismo ay naisip ko, “Ang mga kapalaran ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos, kaya kung ayaw pa ng Diyos na mamatay ang isang tao, hindi sila mamamatay. Ang kailangan ko lang gawin ay sumailalim sa mga pagsasaayos at orkestrasyon ng Diyos.” Hindi nagtagal pagkatapos, may dinalang anim na tao ang mga pulis na nahuli nilang nagsusugal. Silang anim ay “nagpabili ng isang libra ng dumpling para sa bawat isa sa kanila, at nagbalik ang mga pulis ng mga pitong libra. Sa huli’y binayaran nila ang kanilang mga multa at mabilis silang pinalaya; nang sandaling bago sila umalis ibinigay nila ang mga tira nilang dumpling sa akin, nang hindi nalalaman ng pulis. Nakita ko muli na ang mga tao, pangyayari, at mga bagay ay isinasaayos sa loob ng mga kamay ng Diyos. Naipon ang mga luha sa mga mata ko at naantig ang damdamin ko sa paraang mahirap ipaliwanag. Nadama ko lang kung gaanong kay ganda at dakila ng Diyos! Kahit na nahulog ako sa lungga ng mga diyablo, laging nasa tabi ko ang Diyos sa lahat ng pagkakataon, inaalagaan ako at binabantayan ako, kumikilos bilang lakas ng buhay sa kalooban ko, sinusuportahan ako upang pagtagumpayan ko ang paulit-ulit na tukso ni Satanas. Nagpakita rin Siya ng habag sa aking panghihina, at tinulungan akong makaalpas sa lahat ng paghihirap na ito. Ang Diyos ay sadyang praktikal, at ang pag-ibig Niya ay totoong-totoo!

Nang ikaanim na araw, talagang walang mahanap na anumang ebidensiya ang mga pulis laban sa akin para hatulan ako, kaya sa huli ay pinagmulta na lang ako ng 200 yuan at pinalaya nila ako. May malalim akong kamalayan na ang Diyos ang naghahari sa lahat ng ito, at alam ng Diyos tiyak kung gaano ang paghihirap na kaya kong tiisiin at gaano karaming daan ang kailangan kong lakarin—hindi ako pababayaan ng Diyos na maghirap pa ng kahit isang araw kung hindi ko kailangang maranasan ang pagpapahirap na ito. Alam ko na ayaw pa talaga akong palayain ng mga pulis, dahil sa kanilang mala-diyablo’t madilim na kalooban, kaya’t hindi nila ako kailanman basta na lang palalayain. Ngunit hindi na ito pinahintulutan ng Diyos, kaya wala na rin silang pasiya sa bagay na ito. Dito ko rin nakita na si Satanas at ang mga diyablo ay nagsisilbi sa Diyos habang pineperpekto niya ang Kanyang mga piniling tao, at kahit na mabangis ang itsura nila, Diyos ang naghahari sa lahat. Basta tunay tayong sumandal sa Diyos at pumailalim sa Kanya, aalagaan Niya tayo upang mapagtagumpayan natin ang lahat ng mga pwersang diyablo, at makalagpas sa panganib nang ligtas.

Pinahirapan ako nang anim na buong araw sa presinto, at ang di-pangkaraniwang karanasan ng anim na araw na iyon ay tumulong sa akin upang talagang makita ko ang masamang itsura ng pamahalaang CCP at ang masama, reaksiyonaryong kalikasan at esensya nito. Nakita ko na isa itong diyablo na siyang kalaban ng Diyos, at binubuo ito ng grupo ng mga taong tampalasan. Hinayaan rin ako nitong maunawaan ang pagkamakapangyarihan, paghahari, pagiging kamangha-mangha, at katalinuhan ng Diyos, at na personal kong maranasan ang pag-ibig at kaligtasan ng Diyos; dumating ako sa pag-intindi na ang Diyos ay isang makapangyarihan, tapat, dakila, at kaibig-ibig na Diyos, at na Siya ang Nag-iisang karapat-dapat sa tiwala at pagsamba ng sangkatauhan. Higit pa, Siya ang karapatdapat sa pagmamahal ng sangkatauhan. Ang karanasan na iyon ang naging punto ng pagbabago sa buhay ko ng pananampalataya dahil, kung wala ito, hinding-hindi ako magkakaroon ng totoong pagkamuhi para kay Satanas, at hindi ako magkakamit ng totoong pagkaintindi sa Diyos. At kung gayon, ang pananalig ko sa Diyos ay sadyang napakahungkag at hindi ko makakamit ang kaligtasan. Tanging sa pagdanas ng gano’n kabagsik na pag-uusig at pang-aapi ng pamahalaang CCP saka ko lang nakilala ano si Satanas at ang mga diyablo, ano ang impiyerno sa lupa, at ano ang madilim at masasamang pwersa. At tanging sa pamamagitan ng karanasan na iyon ko lang natamo ang napakalaking grasya at habag na ipinakikita ng Diyos sa akin na ako—ipinanganak sa Tsina, sa isang madilim, masama, maduming lupain—ay makaligtas sa mga kuko ni Satanas at makarating sa paglalakad sa landas ng pananalig at hanapin ang liwanag sa buhay! Naranasan ko rin ang awtoridad at lakas ng mga salita ng Diyos. Ang Kanyang mga salita ay talagang maaaring maging buhay ng isang tao, at maaari nilang iligtas ang mga tao mula sa impluwensiya ni Satanas at matulungang pagtagumpayan ang mga paglilimita ng kamatayan. Tunay ko ring naranasan na tanging ang Diyos ang may kakayanan ng totoong pag-ibig para sa mga tao, at totoong kaligtasan para sa mga tao, habang ang tanging ginagawa ni Satanas at ng mga diyablo ay linlangin ang mga tao, saktan sila, at lamunin sila. Nagbibigay pasalamat ako sa Diyos sa paggamit sa pang-aapi ng pamahalaang CCP para hayaan akong makita ang tama at mali, malinaw na makita ang mabuti at masama. Mula sa araw na ito, nais kong hanapin ang pag-intindi at makamit pa ang katotohanan upang makamit ang totoong pagkilala sa Diyos, at aktibong ipalaganap ang ebanghelyo ng Diyos at magpatotoo sa Kanyang pangalan upang mas marami pang tao ang humarap sa Diyos at sumamba sa Kanya!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento