Ni Li Ling, Probinsya ng Henan
Ang pangalan ko ay Li Ling, at ako ay naging edad 76 nitong taon na ito. Nagkaroon ako ng pananalig sa Panginoong Jesus noong 1978 pagkatapos kong magkasakit, at sa panahon na iyon napakalaki ng tinanggap kong grasya mula sa Kanya.
Dahil dito, nagkaroon ako ng inspirasyon na magsikap na gumawa para sa Panginoon; nagpunta ako sa kung saan-saan para magpahayag ng mga sermon at magbahagi ng ebanghelyo, at nagpasilong din ako ng mga kapatid sa aking tahanan. Mabilis na lumago ang aming simbahan sa isang kongregasyon na may 2,000 katao, at, dahil dito, nagsimula kaming pahirapan ng Chinese Communist Party (Partido Komunista ng Tsina). Maraming beses na pumunta ang mga pulis sa bahay ko para halughugin ito at pigilan ako sa pagsasabuhay ng aking pananampalataya at pagpapalaganap sa ebanghelyo, at sa tuwing pupunta sila, basta nilang kinukuha ang anumang bagay na may halaga at anumang pwedeng bitbitin—maski mga bombilya ng ilaw. Higit pa rito, inaresto ako ng mga opisyal ng Kagawaran ng Pampublikong Seguridad (PSB) at ikinulong nang napakaraming beses na. Tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos noong mga huling araw ng 1996, at pagkatapos ng dalawang taon, muli akong inaresto at pinahirapan ng gobyernong CCP, pero nitong huli ay naging mas marahas pa sila. Naranasan ko mismo kung gaano kahirap ang manalig sa Diyos habang nasa isang bansang ateyista gaya ng Tsina. Sa kabila ng lahat ng mga hirap na ito, nadama ko pa rin ang pagligtas at pag-ibig ng Diyos para sa akin.
Isang araw, sa gitna ng gabi, noong Mayo 1998, pasado alas dos ng madaling araw, nagising ako sa malakas na pagkatok sa pinto ko. Kinabahan ako at inisip ko, “Malamang mga pulis! May limang kapatid dito sa bahay galing sa ibang lugar para magpalaganap ng ebanghelyo. Paano ko sila mapoprotektahan?” Natakot ako. Bago ko pa mabuksan ang pinto, bigla itong sinipa ng pulis at bumalabag pabukas. Biglang pumasok ang hepe ng PSB Political Security Department, may hawak na baril, at kasama ang mahigit sa isang dosenang pulis na may mga dalang ede-kuryenteng batuta. Pagpasok niya, bigla akong tinadyakan ng isang pulis, at sinigawan ako, “Ano? Ilang beses ka nang inaresto, pero may tapang ka pang maniwala sa Diyos! Ipinapangako ko sa iyo, sisiguraduhin kong mawala sa iyo ang lahat at masisira ang pamilya mo!” Nagsisigaw ang mga masasamang pulis sa mga kwarto. “Pulis kami, magsibangon kayo ngayon din!” Hindi man lang nila hinintay na makapagbihis nang maayos ang mga kapatid, basta na lang kaming pinosasan nang dala-dalawa, kinapkapan, at kinuha ang suot kong singsing. Pagkatapos ay sinimulan nilang halughugin ang buong lugar, pati ang taguan ko ng arina kaya kumalat ito sa sahig. Basta ikinilat nila ang mga gamit sa buong sahig. Tinangay nila ang labing-isang tape recorder, isang telebisyon, isang bentilador, isang makinilya, at mahigit 200 libro ng salita ng Diyos. Binuksan pa nila ang mga drawer ng anak ko at ninakaw nila ang mahigit 1000 yuan na sweldong katatanggap lang niya. Noong dadalhin na kami ng mga pulis sa istasyon, dumating ang anak ko mula sa trabaho. Noong nakita niyang ninakaw ang sweldo niya, nilapitan niya agad ang mga pulis at hiningi na ibalik sa kanya ang pera niya. At ang tusong sagot sa kanya ng pulis, “Titingnan namin ang pera sa istasyon, at kapag napatunayang sa iyo nga, isasauli namin sa iyo.” Pero sa halip, noong gabi ring iyon, bumalik sila para arestuhin ang anak ko dahil sa “paghadlang sa opisyal na gawain.” Mabuti na lang at nakapagtago na ang anak ko noong mga oras na iyon, dahil kung hindi, pati siya ay naaresto nila.
Dinala ng mga pulis sa istasyon ang mga libro na kinumpiska nila at ang iba pang mga kagamitan, at pagkatapos ay ikinulong kaming anim nang magkakahiwalay sa Lokal na Kagawaran ng Pampublikong Seguridad nang magdamag. Sa pagkakaupo ko roon, hindi ako mapalagay maski sandali. Naalala ko ang pagkakaaresto sa akin noong 1987; inabuso ako at sinaktan ng mga pulis, labis na pinahirapan hanggang halos mamatay. Nasaksihan ko rin kung paano nila ginulpi hanggang mamatay ang isang kabataang lalaki na nasa edad 20 pataas pa lamang, at ang isang babae na nagsabing ginahasa siya ng dalawang pulis na naghalinhinan sa paggahasa sa kanya sa gitna ng interogasyon. Inilalagay din ng mga pulis ang mga tao sa mga tiger bench, sinusunog gamit ang panghinang, at kinukuryente ang kanilang mga dila gamit ang mga de-kuryenteng batuta hanggang wala nang dugong natitira. Kung anu-anong marahas at karumaldumal na paraan ng pagpapahirap ang ginagamit nila sa mga tao—sobra talaga. Pagkatapos ng maraming beses na naaresto ako, personal na nasaksihan at naranasan ko ang malupit at walang-awang karahasan at pagpapahirap na ginawaga ng mga pulis. Walang kalupitan na hindi nila kayang gawin. Takot na takot ako na muling malagay sa ganitong “pasukan ng impyerno” at marinig ang mga pulis na sabihan akong “babalatan nila ako nang buhay”. Napakarami nilang kinuha sa bahay ko noong araw na iyon at inaresto nila ang marami sa ibang mga kapatid. Tiyak, hindi nila ako basta palalayain. Kaya nagdasal ako sa Diyos mula sa aking puso. “O, Diyos ko! Alam kong may pahintulot Ka na mapunta kami sa kamay ng mga pulis na ito ngayon. Masyado akong nanghihina dahil alam kong lahat sila’y mga demonyo na wala nang natitirang pagkatao, kaya nagmamakaawa ako sa Iyo na bigyan Mo ako ng tapang, lakas ng loob at karunungan, at ibigay Mo sa akin ang mga tamang salita na sasabihin sa kanila. Nakahanda akong magpatotoo sa Iyo—hindi ako magiging Hudas at hindi ako magtataksil sa Iyo! Lalo akong umaasa na sana’y pangalagaan Mo ang mga iba pang inaresto para kayanin nilang tumayo sa ganitong sitwasyon. Diyos, Ikaw ang Hari ng buong daigdig, at ang lahat ng pangyayari, ang lahat ng bagay ay ayon sa Iyong pamamahala at pagsasaayos. Matatag ang paniniwala kong basta kami ay buong-pusong umasa sa Iyo, tiyak na ilalabas mo kami sa madilim na impluwensya ni Satanas.” At pinukaw ako ng Diyos habang nagdarasal ako, at ipinaalala sa akin ang Kanyang mga salita: “Ang nananaig na buhay ni Cristo ay nagpakita na, wala kang dapat katakutan. Si Satanas ay nasa ilalim ng ating mga paa at ang kanilang panahon ay limitado. … Maging tapat sa Akin higit sa lahat ng anupaman, sumulong nang may katapangan; Ako ang iyong matibay na bato, manalig sa Akin!” (“Kabanata 10” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Pinuno ako ng pananalig ng mga salita ng Diyos. Totoo nga—ang Diyos ang pinakamakapangyarihan at kailanman ay hindi magwawagi si Satanas sa kamay ng Diyos. Kung walang pahintulot ng Diyos, hindi nito maaaring galawin ni isang hibla ng buhok sa ulo ko. Naisip ko kung gaano karami nang beses na inaresto ako ng pamahalaang CCP mula nang magkaroon ako ng pananalig; at hindi ba naalpasan ko rin ang bawat pagsubok na iyon sa ilalim ng proteksyon ng Diyos? Naisip ko rin ang propetang si Daniel, kung paanong siya at ang tatlong kaibigan niya ay pinagbintangan ng masasamang tao, at itinapon sa yungib ng mga leon at sinunog sa nagliliyab na pugon, dahil lamang pinaniniwalaan nila si Diyos Jehovah at pinanindigan nila ang pangalan Nito. Ngunit, dahil pinoprotektahan sila ng Diyos, hindi sila nasunog. Sa pag-iisip ko sa lahat ng ito, biglang lumakas ang loob ko at napuno ako ng bagong lakas. Nalaman ko na anuman ang gawing pang-aapi sa akin ni Satanas, basta’t nasa likod ko ang Diyos, wala akong dapat ikatakot. Handa akong umasa sa aking paniniwala at sumunod sa Diyos at magpatotoo sa Diyos sa harap ni Satanas.
Sinimulan akong kwestyunin ng mga pulis nang kinabukasan ng umaga. Masama ang tingin sa akin ng isang pulis na ilang beses na ring nag-imbestiga sa akin dati, bago pa nito; kinalampag niya ang mesa at sinigawan ako, “O, ikaw nanaman, hayop ka! Nasa mga kamay nanaman kita. Pag hindi ka nagsabi ng kung anong nalalaman mo, malilintikan ka talaga! Magsalita ka! Nasaan ang lahat ng mga tao na nakikituloy sa lugar mo? Sino ang pinuno ng simbahan niyo? Saan nanggaling ang mga librong iyon? Kanino ang makinilya?” Hindi ko maiwasang kabahan; masyadong mabangis at mapanupil ang pulis na ito, at hindi ito magdadalawang-isip na manggulpi hanggang makapatay. Kimi akong yumuko na lamang at hindi kumibo habang tahimik na nagdarasal sa Diyos na alagaan ang puso ko. Nang nakita ng pulis na hindi ako nagsasalita, sinimulan na niya akong sigawan at abusuhin. “Hoy tanda, bale wala ang kumukulong tubig sa patay na baboy!” Habang sumisigaw, sinugod niya ako at tinadyakan sa dibdib. Tumilapon ako paatras nang ilang metro at bumagsak ako sa sahig nang patihaya. Sobrang sakit na hindi ako makahinga. Ayaw niya pa rin akong bitiwan, kaya sinugod niya ulit ako, hinila ang damit ko at iniangat ako sa sahig, at sabi niya, “Gagong matandang hayop ka! Hindi kita hahayaang mamatay ngayon, pero sisiguraduhin kong mawawalan nang saysay ang buhay mo. Mabubuhay ka na puno ng paghihirap!” Pagkasabi nito, kinuryente niya ako gamit ang de-kuryenteng batuta; natakot talaga ako nang makita ko ang asul na ilaw nito. Paulit-ulit akong nagdasal nang tahimik sa Diyos, at nang mga sandaling iyon, pumasok sa isip ko ang Kanyang mga salita: “Kailangan mong tiisin lahat, kailangan mong bitawan ang lahat ng sa iyo at gawin ang lahat ng iyong magagawa upang sumunod sa Akin, bayaran ang lahat ng halaga para sa Akin. Ito ang panahon na susubukin kita, ihahandog mo ba ang iyong katapatan sa Akin? Susunod ka ba sa Akin hanggang sa dulo ng daan nang may katapatan? Huwag kang matakot; sa tulong Ko, sino ang makahaharang sa daan? Tandaan mo ito! Tandaan! Bawat nangyayari ay Aking mabuting hangarin at lahat ay nasa ilalim ng aking pagmamasid. Ang bawat salita mo ba at pagkilos ay makasusunod sa Akin? Kapag ang mga pagsubok ng apoy ay sumapit sa iyo, luluhod ka ba at tatawag? O yuyukod ka, hindi kayang sumulong?” (“Kabanata 10” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, hindi lang ako nakaramdam ng lakas at tapang kundi nagkaroon din ako ng pagkaintindi sa Kanyang kagustuhan. Ang pagsubok na pinagdaraanan ko noon mismo ay pagkakataon para subukan ako ng Diyos. Pinahihirapan ng pulis na iyon ang katawan ko para talikuran ko ang Diyos, ngunit ang kagustuhan ng Diyos ay ialay ko ang aking debosyon at pag-ibig sa Kanya. Umaasa Siya sa akin, at hindi ako maaaring bumigay lang sa kahinaan ng laman at yumukod sa mga pwersa ni Satanas. Alam kong kailangan kong tumindig nang buong puso sa tabi ng Diyos at magpatotoo nang lubusan para sa Kanya. Todong-lakas na hinampas ako ng pulis gamit ang kanyang batuta, at paulit-ulit niya akong kinuryente, kaya napilitan ang katawan kong manigas at niyakap ko ang sarili ko na parang sanggol. Habang kinukuryente niya ako, sinigawan niya pa ako, “Magsalita ka! Kapag hindi ka nagsalita, kukuryentehin kita hanggang sa mamatay ka!” Mariin kong isinara ang aking bibig at hindi pa rin ako kumibo. Nang makita niya ito, umabot na sa sukdulan ang galit niya. Nang mga sandaling iyon, kinamuhian ko ang siraulong demonyo mula sa kaibuturan ng aking mga buto. Ang Tao ay nilikha ng Diyos; walang kwestyon na ang maniwala at magsamba sa Kanya ay tama at wasto, pero inaayawan ng CCP ang Diyos, brutal na sinasaktan at inaapi ang mga naniniwala, at maski pa ako na 60-anyos na babae ay hindi nila kinaawaan. Gusto pa nilang ikamata ko ito! Mas lalo nila akong sinaktan, mas lalo ko rin itinikom ang aking bibig dahil sa pagkamuhi at sumumpa ako sa puso ko: Kahit pa ikamatay ko, titindig akong saksi para sa Diyos. Hindi ako magiging isang taksil na nabubuhay sa ilalim ng kahihiyan, habang kinukutya ni Satanas. Pinagod ng pulis ang kanyang sarili sa paggulpi at pagsigaw sa akin, kaya nang makita nilang hindi talaga ako magsasalita, sinubukan akong hikayatin ng isa pang pulis: “Matanda ka na—para saan ba ang lahat ng ito? Sabihin mo na lang ang gusto naming malaman, sino ang nagbigay sa iyo ng mga gamit na iyon at saan nakatira ang mga taong iyon at ihahatid ka na naming pauwi.” Niliwanagan ako ng Diyos na makita ang panlilinlang ni Satanas, kaya hindi ako nagsalita. Nang makita niyang hindi pa rin ako nagsasalita, biglang nagalit siya at sinimulan niya akong takutin. “Magsabi ka ng totoo at hindi masyadong mabigat ang magiging sentensya mo, pero kapag hindi, mas lalo kang pahihirapan. Kung hindi ka magsasalita, hahatulan ka ng 12 taon at habang buhay ka nang nakakulong!” Nakaramdam ako ng ugong sa ulo ko nang marinig kong sabihin niyang makukulong ako ng 12 taon at inisip ko, “Napakahina na ng katawan ko kaya hindi ako tatagal maski isang taon lang, labindalawa pa kaya. Siguro mamamatay na lang ako sa bilangguan.” Lubos kong ikinalungkot isipin na mabubulok na lang ako sa isang madilim na kulungan na hindi nasisilayan ng liwanag ng araw. Kakayanin ko bang magpatuloy kung wala ang buhay ng simbahan at ang pagkain ng mga salita ng Diyos? Pakiramdam ko’y ligaw kaya tahimik akong nagdasal sa Diyos. Agad Niya akong niliwanagan, at naisip ko ang mga salitang ito mula sa Kanya: “Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Anong umiiral na wala sa Aking mga kamay?” (“Kabanata 1” ng Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Totoo nga! Ang kapalaran ng mga tao ay nasa kamay ng Diyos, at ang lahat ng pangyayari at lahat ng bagay ay ayon sa Kanyang paghahari at pagsasaayos. Walang hindi kabilang, kung ano ang sabihin ng Diyos ay siyang magaganap; kung hindi hahayaan ng Diyos na makulong ako, walang magagawa ang mga pulis, ngunit kung pahihintulutan niya ito, magpapailalim ako sa pagkakulong nang walang reklamo. Nagawa ni Pedro na pumailalim sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, sa mga pagsubok at paghihirap. Siya mismo’y walang pinagpilian, at lubusan niyang ibinigay ang sarili niya sa Diyos at sinunod niya ang pagsasaayos ng Diyos. Sa dulo, ipinako siya sa krus nang pabaligtad para sa Diyos—sumunod siya hanggang kamatayan at naging isa siyang taliba ng pag-ibig sa Diyos. Alam ko noong araw na iyon na kailangan kong matuto sa halimbawa ni Pedro at ilagay ang sarili ko sa mga kamay ng Diyos. Kahit na ibig sabihin nito ay mabigyan ako ng sentensyang pagkakulong habang buhay, kailangan ko pa rin pumailalim sa Diyos. Sa huli, ipinadala ako ng mga pulis sa detention center.
Sa detention center, pakiramdam ko’y nasa loob ako ng buhay na impyerno. Walang mga bintana ang mga selda, walang kuryenteng ilaw, at mahigit 20 tao ang nagsisiksikan sa loob ng isang seldang humigit lang nang kaunti sa 10 metro kuwadrado ang sukat. Kinailangan naming kumain, uminom at dumumi lahat sa loob lang ng selda. May mga maliliit na sanaw ng tubig sa buong sahig at may ilang mga banig na nakalatag, pero walang mga kumot. Lahat kami ay kailangang mahiga sa mga sanaw ng tubig para matulog. May isang balde para sa kubeta sa isang sulok at may mga lamok at langaw na nagkalat. Sa sobrang baho hindi ako halos makahinga; nag-aagawan ang mga tao para sa espasyo malapit sa bakal na tarangkahan para makalanghap ng kaunting hangin mula sa lagusan na wala pang isang talampakan ang laki. Talagang mainit nang tag-araw at napakaraming tao ang nagsisiksikan sa maliit na selda, kaya marami sa bilanggo ang naghuhubad, at walang suot. Madalas mag-away ang mga bilanggo dahil lang sa maliit na bagay at palagi silang nagmumura. Ang pang-araw-araw na pagkain namin ay hilaw na sabaw ng arina at maninipis na bihon, at nilagang gulay na walang mantika o asin. Laging may makapal na dumi sa ilalim ng mangkok, at nagtatae ang lahat ng bilanggo. Isang araw, nang nagtatawag ng mga numero habang nagpapahangin kami sa labas, nagkamali ako sa pagsabi ng numero ko. Nagalit ang opisyal ng kulungan at sumigaw, “Tingnan mo ang sarili mo, kalunus-lunos ka! At naniniwala ka sa Diyos!” Pagkatapos ay hinubad niya ang sapatos niyang balat at hinampas ako nito sa mukha nang sampung beses, hanggang nabugbog ang mukha ko’t nagkulay itim at asul. Dahil sa akin, napahamak din ang lahat ng kasama ko sa selda, at lahat sila ay hinataw din nang sampung beses. Naging itim at asul din ang mga mukha nila; tinakpan nila ang kanilang mga mukha at umiyak sa sakit. Mula noon lagi na akong pinaglalaba ng opisyal ng mga uniporme nila’t mga damit, at mga kubrekama. May isang mataas na gwardyang nagpapatakbo ng hostel sa bahay niya at dinadala niya ang mga kumot at kubrekama mula roon para labahan ko, at kapag nahugasan na, kailangan ko pang sulsihin lahat ang mga may punit. Pagod na pagod ako sa katapusan ng araw at ang buong katawan ko ay masakit; pakiramdam ko’y nasisira na ako. Pagkatapos lang ng ilang araw, namaga na ang mga kamay ko. Kapag hindi ko na talaga kaya at nagpapahinga muna ako, walang habas akong pinapagalitan ng opisyal kaya’t wala akong magawa kundi magpatuloy na lang sa paggawa habang umiiyak. Sa oras ng pahinga sa gabi, kahit na inaantok ako’t pagod na pagod, hindi pa rin ako gaanong makatulog. Sobrang maga at masakit ang mga braso ko, at hindi na ako makaunat nang tuwid dahil sa sakit ng likod ko. Manhid na rin ang mga binti ko. Hanggang sa araw na ito, hindi ko kayang unatin at iangat nang husto ang mga braso ko. Nagkaroon ako ng problema sa tiyan dahil sa sobrang pagtatrabaho maski laging kulang sa pagkain, kaya’t madalas akong nagtatae. Bukod pa rito, marami akong sugat dahil sa pambubugbog ng masasamang pulis at hindi na lubusang gumaling ang mga sugat na iyon. Lumala nang lumala ang kalagayan ng kalusugan ko. Pagtagal, nagkaroon ako ng patuloy na mababang lagnat, at ayaw akong ipagamot ng mga gwardiya. Sa gitna nito, nanghina ako at naisip ko sa sarili ko, “Sa edad kong ito, kapag nagpatuloy ang ganitong pagpapahirap sa akin, maaari akong mamatay dito maski anong araw. Napuno ang puso ko ng malalim na lungkot at kawalan ng lakas at sa sakit ng loob ko nagdasal ako sa Diyos. O Diyos ko, talagang nanghihina ako ngayon at hindi ko alam kung ano ang gusto Mo. Diyos ko, nagsusumamo ako na gabayan mo ako para magpatotoo ako para sa Iyo sa pamamagitan nito, at ikasiya Mo ito.” Paulit-ulit kong tinawag ang Diyos at hindi ko namamalayan ngunit nililiwanagan Niya na pala ako, at naalala ko ang isang kanta sa isip ko. Marahan kong hinuni ang kantang ito: “Naging katawang-tao na sa panahong ito ang Diyos upang gawin ang gayong gawain, upang tapusin ang gawaing hindi pa Niya natatapos, upang dalhin ang kapanahunang ito sa katapusan, upang hatulan ang kapanahunang ito, upang sagipin ang lubhang makasalanan mula sa mundo ng dagat ng kadalamhatian, at lubos silang baguhin. Maraming gabi na walang tulog ang tiniis ng Diyos para sa kapakanan ng gawain ng sangkatauhan. Mula sa kaitaasan hanggang sa pinakamababang kalaliman, nakababa Siya sa buhay na impiyerno kung saan ang tao ay nabubuhay upang gugulin ang Kanyang mga araw kasama ang tao, hindi kailanman nagreklamo sa panlilimahid ng tao, hindi kailanman sinisi ang tao dahil sa kanyang pagsuway, nguni’t tinitiis ang pinakamatinding kahihiyan habang personal Niyang isinasakatuparan ang Kanyang gawain. Paano kayang ang Diyos ay mabibilang sa impiyerno? Paano Niya magugugol ang Kanyang buhay sa impiyerno? Nguni’t para sa kapakanan ng buong sangkatauhan, nang sa gayon ang buong sangkatauhan ay makakasumpong ng kapahingahan sa lalong mas madaling panahon, natiis Niya ang kahihiyan at nagdusa ng kawalang-katarungan upang makaparito sa lupa, at personal na pumasok sa ‘impiyerno’ at ‘Hades,’ sa yungib ng tigre, upang iligtas ang tao” (“Bawat Yugto ng Gawain ng Diyos ay para sa Buhay ng Tao” sa Sumunod sa Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Habang patuloy ako sa paghuni ng kanta, tuluy-tuloy na tumulo ang luha sa mukha ko, at naisip ko na napakadakila ng Diyos, ngunit Siya mismo ay dalawang beses nagpakumbaba at nagkatawang-tao, tiniis ang walang katapusang paghihirap at kahihiyan para iligtas ang sangkatauhan. Hindi lang na Siya ay nakaranas ng paglaban at pagkondena ng masamang sangkatauhan, kundi nakaranas din Siya ng pang-aapi at pagtugis ng CCP. Walang sala ang Diyos at ang Kanyang paghihirap ay para magkaroon ng mabuti at masayang buhay ang sangkatauhan sa hinaharap. Ang sakit at kahihiyan na tiniis Niya ay labis-labis, ngunit ni minsan ay hindi siya nagmaktol o nagreklamo kahit kanino tungkol dito. Ang hirap at sakit na dinaranas ko noon ay pagpapala ng Diyos sa akin, at sa likod ng lahat ng ito ay naroon ang kagustuhan ng Diyos. Ito ay para makita ko ang malalim na kasamaan sa kalooban ng mga demonyong iyon at ako’y magrebelde laban kay Satanas, tumakas mula sa madilim na impluwensya ni Satanas at makamit ang ganap na kaligtasan. Gayunpaman, hindi ko lubusang naintindihan ang mabuting hangarin ng Diyos, kaya naging negatibo ako’t nanghina matapos lang ang kaunting paghihirap. Kung ikukumpara ito sa pag-ibig ng Diyos, nakita ko na napakamakasarili ko at rebelde. Kaya nagdesisyon ako na maski anong pait o hirap ng mga bagay, paliligayahin ko ang Diyos at hindi na ako gagawa ng anumang makasasakit sa Kanya. Sumumpa ako maski ikamatay ko pa, na ako’y magpapatotoo sa Diyos. Nang pumailalim ako, nakita ko ang gawain ng Diyos. Pagkatapos akong ikulong ng mga pulis, binuhay ng Diyos ang aking kapatid na babae, na hindi dati naniniwala, para magbayad sa pulis ng 16,000 yuan na multa at 1,000 yuan na bayad para sa pagtira ko doon, at ako ay pinalaya.
Bagaman pinahirapan ang aking katawan sa loob ng tatlong buwan ko sa kulungan, nakita ko ang totoong mukha ng kampon ng mga demonyo ng CCP at ang paglaban nila sa Diyos. Dahil sa maraming pagkakaaresto sa akin ng pamahalaang CCP, nagkaroon ako nang kaunting praktikal na pag-intindi sa gawain ng Diyos, ang Kanyang pagiging makapangyarihan at karunungan, an gang Kanyang pagmamahal. Nakita ko na binabantayan ako ng Diyos at pinoprotektahan sa lahat ng oras, at ni minsan ay hindi Niya ako iniwan, maski isang sandal. Nang nakakaranas ako ng lahat ng klase ng pagpapahirap ng mga demonyong iyon at hirap na hirap na ako, ang mga salita ng Diyos ang nagdala sa akin paulit-ulit tungo sa tagumpay laban sa pananakit at paninira ni Satanas, binibigyan ako ng pananampalataya at lakas ng loob para maalpasan ang impluwensya ng kadiliman. Nang ako’y nanghihina at walang lakas, ang mga salita ng Diyos ang agad na nagliwanag at gumabay sa akin, naging totoong haligi para sa akin at kasama ko sa bawat araw na parang hindi ko na kakayanin, hanggang sa susunod na araw muli. Sa pamamagitan ng pagdanas ng ganoong pang-aapi at paghihirap, nagkaroon ako ng malalim na pagpapahalaga sa buhay na hindi karaniwang nakakamit sa panahon ng payapa at ginhawa. Sa pamamagitan ng karanasan na ito, lumakas at tumibay ang kalooban ko sa aking paniniwala at kahit na ano pa man ang kasamaang maaaring harapin ko sa hinaharap, hahangarin ko pa rin ang katotohanan at hahangarin ko ang buhay. Ibinibigay ko ang puso ko sa Diyos dahil Siya ang Panginoon ng lahat ng nilikha, at Siya ang tangi at nag-iisa kong Tagapagligtas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento