Mga Salita ng na Makapangyarihang Diyos – Ang Unang Pagbigkas
Ang mga yaon ba na sumasaksi sa Aking mga salita ay talagang tinatanggap ang mga iyon? Talaga bang kilala ninyo Ako? Tunay bang natutunan ninyo ang pagsunod? Taos-puso ba ninyong ginugugol ang inyong mga sarili para sa Akin? Talaga bang sumasaksi kayo sa Akin nang matibay at di-sumusuko sa harap ng malaking pulang dragon? Ang inyo bang katapatan ay tunay na nanghihiya sa malaking pulang dragon? Tanging sa pamamagitan ng pagsubok ng Aking mga salita na makakamit Ko ang Aking layunin na pagdadalisay sa iglesia at pagpipili sa mga yaon na totoong nagmamahal sa Akin. Sapagka’t sa paano pang paraan Ako maaaring maunawaan ng sinuman? Sinong makauunawa sa Aking kamahalan, sa Aking poot, at sa Aking karunungan sa pamamagitan ng Aking mga salita? Tatapusin Ko kung ano ang Aking sinimulan, subali’t Ako pa rin ang Siyang sumusukat sa mga puso ng mga tao. Sa katotohanan, walang sinumang tao ang lubos na nakauunawa sa Akin, kaya ginagabayan Ko sila ng mga salita, at pinangungunahan sila tungo sa isang bagong kapanahunan sa ganitong paraan. Sa katapusan tatapusin Ko ang lahat ng Aking gawain sa pamamagitan ng Aking mga salita, at dadalhin yaong mga totoong nagmamahal sa Akin pabalik sa Aking kaharian, upang mamuhay sa harap ng Aking trono. Ang katayuan ay hindi tulad noong dati, at ang Aking gawain ay nakapasok sa isang bagong panimulang punto. Yamang ganoon nga, magkakaroon ng isang bagong pamamaraan: Yaong mga nagbabasa ng Aking salita at tinatanggap ito bilang kanilang mismong buhay ay ang mga tao ng Aking kaharian. Yamang sila ay nasa Aking kaharian, sila ay ang Aking bayan sa kaharian. Sapagka’t sila ay ginagabayan ng Aking mga salita, kahit na sila ay tinatagurian bilang Aking bayan, sila ay hindi kailanman sa ibaba ng Aking “mga anak”. Bilang Aking bayan, lahat ay dapat maging tapat sa Aking kaharian at tuparin ang kanilang mga tungkulin, at yaong mga sumusuway sa Aking mga atas sa pangangasiwa ay dapat tumanggap ng Aking pagpaparusa. Ito ang Aking babala sa lahat.
Yamang isang bagong pamamaraan ang ginagamit ngayon, lahat nang mula sa nakaraan ay hindi na kailangang sabihing muli. Gayun pa man, nasabi Ko na ang mga salitang ito: Kung ano ang Aking nasabi ay dapat na ibilang, kung ano ang ibinilang ay dapat na matapos, at ito ay hindi maaaring mabago ng sinuman; ito ay walang-pasubaling totoo. Kung ito man ang nasabi Ko sa nakaraan o kung ano ang sasabihin Ko sa hinaharap, lahat ay magkakatotoo, at lahat ng sangkatauhan ay makikita ito. Ito ang prinsipyo sa likod ng gawain ng Aking mga salita. Yamang ang pagbubuo ng iglesia ay nakamit na, ito ngayon ay hindi na kapanahunan ng pagtatayo ng iglesia, kundi ang kapanahunan kung kailan ang kaharian ay matagumpay na naitayo. Gayun pa man, yamang kayo ay nasa lupa pa rin, ang inyong mga pagtitipon ay mananatiling kikilalanin bilang ang “iglesia”. Magkagayon man, ang esensya ng iglesia ay hindi na gaya ng kung ano ito dati, at ito ay nagpakita ng totoong tagumpay. Samakatuwid, Aking sinasabi na ang Aking kaharian ay nakababa sa lupa. Walang maaaring makatarok sa ugat ng Aking mga salita, ni mauunawaan man nila ang layunin sa likod ng mga yaon. Habang Ako ay nagsasalita ngayon, kayo ay maaaring nakararanas ng isang pagkakita. Marahil ay may ilan na biglang bubulalas sa pag-iyak; ang iba ay maaaring nakadarama ng pagkatakot na ito ang paraan na Ako ay nagsasalita. Ang iba ay maaring nagpapanatili ng isang makalumang pangmalas sa bawa’t kilos Ko; ang iba ay maaring nagsisisi sa kanilang mga hinaing o paglaban sa Akin; ang iba ay maaring nagbubunyi sa loob, sapagka’t sila ay hindi kailanman nalihis mula sa Aking pangalan, at ngayong araw ay napanauli; marahil ang ibang mga tao ay nalito sa Aking mga salita noong matagal nang nakaraan, at sila ay nakabitin sa pagitan ng buhay at kamatayan, pinanghinaan ng loob at nakatungo, at wala nang pagnanais na marinig ang mga salitang Aking sinasabi kahit na gumamit pa Ako ng ibang paraan ng pagpapahayag. Maaring may ilan na lubhang matapat sa Akin kaya’t sila ay hindi kailanman dumaing, hindi kailanman nag-alinlangan, at ngayon ay lubos na mapalad upang makatamo ng paglaya at makaramdam ng di-mabigkas na pagpapasalamat sa Akin sa kanilang mga puso. Bawa’t isa ay sumasailalim sa mga kategoryang ito sa iba’t ibang mga antas. Subali’t yamang ang nakaraan ay ang nakaraan, at ngayon ay ang kasalukuyan, walang pangangailangan upang hangarin pa ang nakaraan, o mag-alala tungkol sa hinaharap. Sa mga tao, yaong mga sumasalungat sa realidad at hindi gumagawa ng mga bagay-bagay ayon sa Aking paggabay ay hindi makararating sa isang mabuting wakas, at magdadala lamang ng kaguluhan sa kanilang mga sarili. Sa lahat ng mga bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Anong umiiral na wala sa Aking mga kamay? Lahat ng Aking sinasabi ay nangyayari, at sa mga tao, sinong naroroon na makapagpapabago sa Aking isipan? Maaari kayang ito ay ang tipan na ginawa Ko sa lupa? Walang makahahadlang sa Aking plano; Ako ay palaging naroroon sa Aking gawain gayundin sa plano ng Aking pamamahala. Sinong tao ang maaaring makialam? Hindi ba’t Ako ang Siyang personal na gumawa ng mga pagsasaayos na ito? Sa pagpasok tungo sa katayuang ito ngayon, ito ay hindi pa rin lumilihis mula sa Aking plano o kung ano ang Aking patiunang nakita; ito ay itinakda Ko nang lahat sa matagal nang panahon. Sino sa kalagitnaan ninyo ang maaaring makatarok sa Aking plano para sa hakbang na ito? Ang Aking bayan ay makikinig sa Aking tinig, at ang bawa’t isa sa mga yaon na totoong nagmamahal sa Akin ay magbabalik sa harapan ng Aking trono.
Pebrero 20, 1992
Mula sa Mga Pagbigkas ni Cristo ng mga Huling Araw (Mga Seleksyon)
Ang pinagmulan:Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos
Ang pinagmulan:
Pagsaliksik sa Kidlat ng Silanganan
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento