Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos | Salita ng Diyos | Mamamasdan Mo ang Espirituwal na Katawan ni Jesus Kapag Napanibago Na ng Diyos ang Langit at Lupa
Nais mo bang makita si Jesus? Nais mo bang mabuhay kasama si Jesus? Nais mo bang marinig ang mga salitang sinambit ni Jesus? Kung gayon, paano mo sasalubungin ang pagbalik ni Jesus? Handang-handa ka na ba? Sa anong paraan mo sasalubungin ang pagbalik ni Jesus? Sa palagay Ko bawat kapatid na lalaki at babae na sumusunod kay Jesus ay gugustuhing malugod na salubungin si Jesus. Ngunit naisip na ba ninyo kung talagang makikilala ninyo si Jesus pagbalik Niya? Talaga bang mauunawaan ninyo ang lahat ng sinasabi Niya? Talaga bang tatanggapin ninyo, nang walang pasubali, ang lahat ng gawaing ginagawa Niya? Alam ng lahat nang nagbasa ng Biblia na babalik si Jesus, at lahat nang nagbasa ng Biblia ay taimtim na hinihintay ang Kanyang pagdating. Nakatutok kayong lahat sa pagdating ng sandaling iyon, at kapuri-puri ang inyong katapatan, nakakainggit ang inyong pananampalataya, ngunit natatanto ba ninyo na nakagawa kayo ng malubhang pagkakamali? Sa anong paraan babalik si Jesus? Naniniwala kayo na si Jesus ay babalik na nasa ibabaw ng puting ulap, ngunit ito ang tanong Ko sa inyo: Ano ang tinutukoy ng puting ulap na ito? Sa napakaraming alagad ni Jesus na naghihintay sa Kanyang pagbalik, kanino Siya bababa? Kung sa inyo unang bababa si Jesus, hindi ba ito ituturing ng iba na lubhang di-makatarungan? Alam Ko na napakamataimtim at napakamatapat ninyo kay Jesus, ngunit nakaharap na ba ninyo si Jesus? Alam ba ninyo ang Kanyang disposisyon? Nakasama na ba ninyo Siya? Gaano ba talaga ninyo nauunawaan ang tungkol sa Kanya? Sasabihin ng ilan na ang mga salitang ito ay naglalagay sa kanila sa nakakaasiwang kalagayan. Sasabihin nilang, “Napakaraming beses ko nang nabasa ang Biblia mula simula hanggang wakas. Paano ko hindi mauunawaan si Jesus? Huwag na nating intindihin ang disposisyon ni Jesus—alam ko pa nga ang kulay ng damit na gusto Niyang isuot. Hinahamak Mo ba ako kapag sinasabi Mo na hindi ko Siya nauunawaan?” Iminumungkahi Ko na huwag kang makipagtalo sa mga usaping ito; mas mabuti pang huminahon at pagsamahan ang tungkol sa sumusunod na mga tanong: Una, alam mo ba kung ano ang katotohanan, at ano ang teoriya? Ikalawa, alam mo ba kung ano ang pagkaintindi, at ano ang katotohanan? Ikatlo, alam mo ba kung ano ang akala, at ano ang totoo?