Mga Salita ng na Makapangyarihang Diyos – Ang Ikadalawampung Pagbigkas
Hindi masukat at hindi maarok ang kayamanan ng Aking sambahayan, gayunma’y hindi kailanman lumapit sa Akin ang tao upang tamasahin ang mga iyon. Wala siyang kakayahang tamasahin ang mga iyon sa kanyang sarili, ni protektahan ang sarili niya gamit ang sarili niyang mga pagsisikap; sa halip, palagi niyang nailalagay sa iba ang kanyang pagtitiwala. Sa lahat ng mga yaong tinitingnan Ko, wala kahit isa ang kailanma’y kusa at direktang naghanap sa Akin. Lumalapit silang lahat sa harap Ko sa panghihikayat ng iba, sumusunod sa karamihan, at ayaw nilang bayaran ang halaga o gumugol ng oras para pagyamanin ang kanilang mga buhay. Samakatuwid, walang sinuman sa gitna ng tao ang namuhay kailanman sa katotohanan, at namumuhay ang lahat ng mga tao ng mga buhay na walang kahulugan. Dahil sa mga gawi at kaugalian ng tao na matagal nang umiiral, umalingasaw ang amoy ng lupa sa mga katawan ng lahat ng mga tao. Bilang resulta, naging manhid ang tao, walang pandama sa kalagiman ng mundo, at sa halip ay nagpapakaabala siya sa gawain ng pagtatamasa sa sarili sa malamig na mundong ito. Walang kahit kaunting init ang buhay ng tao, at walang kahit anong pantaong lasa o liwanag—gayunma’y sinanay niya ang kanyang sarili dito, nanatili siya sa habambuhay na kawalan ng halaga kung saan nagmamadali siyang gumagawa nang walang anumang napapala. Sa isang kisapmata, lumalapit ang araw ng kamatayan, at namamatay ang tao ng isang mapait na kamatayan. Kailanman, wala siyang natupad na anuman, o napalang anuman sa mundong ito—nagmamadali lamang siyang dumarating, at nagmamadaling umaalis. Sa Aking paningin wala sa mga yaon ang nakapagdala kailanman ng anuman, o nakakuha ng anuman, kung kaya nararamdaman ng tao na hindi patas ang mundo. Gayunman walang may gustong magmadali. Hinihintay lamang nila ang araw kung kailan ang Aking pangako mula sa langit ay biglang darating sa gitna ng tao, magpapahintulot sa kanila, sa panahon kung kailan sila ay naligaw, na minsan pa ay makita ang daan ng walang-hanggang buhay. Kaya, nakatutok ang tao sa bawa’t gawa at kilos Ko upang tingnan kung talagang natupad Ko ang pangako Ko sa kanya. Kapag siya ay nasa kalagitnaan ng kadalamhatian, o sa matinding sakit, o pinalilibutan ng mga pagsubok at malapit nang mahulog, isinusumpa ng tao ang araw ng kanyang kapanganakan upang mas mabilis niyang matakasan ang mga problema niya at makalipat sa mas magandang lugar. Nguni’t kapag lumipas na ang mga pagsubok, napupuno ng kagalakan ang tao. Ipinagdiriwang niya ang araw ng kapanganakan niya sa mundo at hinihiling na pagpalain Ko ang araw ng kanyang kapanganakan; sa panahong ito, hindi na binabanggit ng tao ang mga pangako ng nakaraan, malalim ang takot niya na sa ikalawang pagkakataon darating muli sa kanya ang kamatayan. Kapag itinataas ng mga kamay Ko ang mundo, sumasayaw sa kagalakan ang mga tao, hindi na sila nalulungkot, at umaasa silang lahat sa Akin. Kapag tinatakpan Ko ng Aking mga kamay ang Aking mukha, at itinutulak ang mga tao sa ilalim ng lupa, agad silang nahihirapan sa paghinga, at bahagya na silang makapanatiling buhay. Lahat sila ay sumisigaw sa Akin, takot na lilipulin Ko sila, sapagka’t gusto nilang lahat na makita ang araw kung kailan Ako ay maluluwalhati. Itinuturing ng tao ang araw Ko bilang pangunahin ng kanyang pag-iral, at ito ay dahil lamang sa mahigpit na pagnanais ng mga tao para sa araw kung kailan ang Aking kaluwalhatian ay darating kaya nakapanatiling buhay ang sangkatauhan hanggang ngayon. Ang pagpapalang ipinahayag ng Aking bibig ay na yaong mga ipinanganganak sa panahon ng mga huling araw ay napakapalad na makita ang buo Kong kaluwalhatian.