Pagpapahayag ng Makapangyarihang Diyos|Sa Pang-anim na Araw, Nagsalita ang Maylalang, at ang Bawat Uri ng Buhay na Nilalang sa Kanyang Isipan ay Lumitaw, nang Isa-isa
Hindi namalayan, nagpatuloy ang paggawa ng Manlilikha sa lahat ng mga bagay nang limang araw, kasunod agad na sinalubong ng Manlilikha ang pang-anim na araw ng Kanyang paglikha ng lahat ng mga bagay. Panibagong simula na naman ang araw na ito, at panibagong pambihirang araw. Ano, ngayon, ang plano ng Maylalang sa bisperas ng bagong araw na ito? Anong mga bagong nilalang ang Kanyang ilalabas, lilikha ba Siya? Makinig, iyan ang boses ng Maylalang….
“At sinabi ng Dios, Bukalan ang lupa ng mga may buhay na kinapal, ayon sa kanikaniyang uri ng hayop at ng mga kinapal na umuusad, at ng mga ganid sa lupa, ayon sa kanikaniyang uri: at nagkagayon. At nilikha ng Dios ang ganid sa lupa ayon sa kaniyang uri, at ang hayop ayon sa kaniyang uri, at ang bawa’t umuusad sa ibabaw ng lupa ayon sa kanikaniyang uri: at nakita ng Dios na mabuti” (Gen 1:24-25). Anong mga buhay na nilalang ang kasama rito? Ang sabi ng Kasulatan: mga hayop, at mga gumagapang na nilalang, at mga iba’t-ibang uri ng hayop sa lupa. Ibig sabihin, sa araw na ito, hindi lang mayroong iba’t-ibang uri ng mga buhay na nilalang sa lupa, ngunit nakauri sila lahat ayon sa klase, at ganoon din, “nakita ng Dios na mabuti.”
Tulad ng nakaraang limang araw, sa parehong tono, sa pang-anim na araw inutos ng Maylalang ang pagbibigay buhay sa mga gusto Niyang mga buhay na nilalang, at lumitaw sila sa lupa, ayon sa uri ng bawat isa. Kapag ipinatupad ng Maylalang ang Kanyang awtoridad, wala sa Kanyang mga salita ang mababalewala, at kaya, sa pang-anim na araw, ang bawat buhay na nilalang na Kanyang gustong likhain ay lumitaw sa itinakdang oras. Tulad ng sinabi ng Maylalang “Bukalan ang lupa ng mga may buhay na kinapal, ayon sa kanikaniyang uri,” agad na napuno na naman ang mundo ng buhay, at biglang naglitawan sa lupa ang hininga ng lahat ng klase ng mga buhay na nilalang…. Sa berdeng damuhang kaparangan, matatabang baka, na pumapalo ang kanilang buntot nang paroon at parito, ang isa-isang lumitaw, nagtipon-tipon ang mga umuungang tupa, at nagsimulang tumakbo nang may palukso ang mga kabayo…. Sa isang iglap, napuno ng buhay ang malawak na tahimik na damuhan…. Magandang tanawin ang paglitaw ng iba’t-ibang uri ng mga hayop sa tahimik na damuhan, at kasama nito ang walang hanggang kasiglahan…. Sila ang mga kasama ng mga damuhan, at mga amo ng mga damuhan, na nakadepende sa bawat isa; gayon din sila ang magiging tagabantay at tagapangalaga ng kalupaang ito, kung saan ay magiging permanenteng tirahan nila, at kung saan ay magbibigay sa kanila ng lahat ng kailangan nila, pagmumulan ng walang hanggang pagkain para sa kanilang pamumuhay…
Sa parehong araw na nabuhay ang iba’t-ibang mga hayop na ito, sa pamamagitan ng salita ng Maylalang, lumitaw rin ang maraming insekto, isa-isa. Kahit na sila ang pinakamaliit sa mga buhay na nilalang, ang mga puwersa ng kanilang buhay ay mahimalang paglikha pa rin ng Maylalang, at hindi sila huling dumating…. Ikinampay ng iba ang kanilang maliliit na pakpak, habang gumapang nang mabagal ang iba; tumalon at tumalbog ang ilan, sumusuray-suray ang ilan; gumugulong paharap ang ilan, habang mabilis na umaatras ang iba; gumagalaw patagilid ang ilan, mataas at mababang tumatalon ang iba…. Abala ang lahat na humanap ng matitirhan para sa kanilang mga sarili: Pinilit ng ilan na pumasok sa damo, naghukay naman ang ilan ng mga butas sa lupa, lumipad sa mga puno ang ilan, nagtago sa mga kagubatan…. Kahit pa maliit, hindi nila gustong magdusa dahil walang laman ang tiyan, at matapos makahanap ng kanilang mga matitirahan, nagmadali silang naghanap ng pagkain para pakainin ang kanilang mga sarili. Umakyat ang iba sa damo para kainin ang mga malalambot nitong talim, sinakmal ng iba ang lupa at kinain ito, kumakain ng may sobrang sarap at kasiyahan (para sa kanila, kahit ang dumi ay masarap na pagkain); nagtatago ang ilan sa mga kagubatan, ngunit hindi sila huminto para magpahinga, habang nagbibigay ng makatas na pagkain ang dagta sa loob ng makintab na berdeng mga dahon…. Matapos silang magsawa, hindi pa rin huminto sa kanilang mga gawain ang mga insekto; bagamat maliit ang tayog, mayroon silang napakatinding enerhiya at walang limitasyong kasiglahan, at kaya sa lahat ng mga nilalang, sila ang pinakamaliksi, at pinakamasipag. Hindi sila kailanman naging tamad, at kailanman ay hindi nagpahinga. Matapos magsawa, ginagawa pa rin nila ang kanilang mga trabaho alang-alang sa kanilang hinaharap, abala ang kanilang mga sarili at nagmamadali para sa kanilang kinabukasan, para sa kanilang pamumuhay…. Marahan silang humuhuni ng mga iba’t-ibang himig at ritmo para hikayatin at himuking magpatuloy ang mga sarili. Nagbigay rin sila ng kasiyahan sa damo, mga puno, at sa bawat pulgada ng lupa, ginagawa ang bawat araw, at bawat taon na, natatangi…. Sa kanilang sariling mga wika at sa kanilang mga sariling paraan, nagdadala sila ng mga kaalaman sa lahat ng mga buhay na nilalang sa kalupaan. At gamit ang kanilang sariling espesyal na kurso ng buhay, minamarkahan nila ang lahat ng mga bagay, kung saan nag-iiwan sila ng mga bakas…. Malapit ang relasyon nila sa lupa, sa damo, at sa mga kagubatan, at nagdadala sila ng kalakasan at kasiglahan sa lupa, sa damo, sa mga kagubatan, at dala ang mga pangaral at pagbati ng Maylalang sa lahat ng mga buhay na nilalang…
Nakarating ang pagtitig ng Maylalang sa lahat ng mga bagay na Kanyang nilikha, at sa sandaling ito, huminto ang Kanyang mata sa mga kagubatan at kabundukan, umiikot ang isipan Niya. At binigkas ang Kanyang mga salita, sa makapal na mga kagubatan, at sa ibabaw ng mga kabundukan, may lumitaw na isang uri ng mga nilalang na di-tulad ng ibang dati nang dumating: Mababangis na hayop ang mga ito na binigkas ng bibig ng Diyos. Inuga nila ang kanilang mga ulo at pinaroon at parito ang kanilang mga buntot, may sarili silang natatanging itsura. Mabalahibo ang ilan, may kalasag ang ilan, may pangil ang ilan, nakangisi ang ilan, mahaba ang leeg ng ilan, at maikli ang buntot ng ilan, mabangis ang mata ng ilan, mahiyain ang tingin ng ilan, yumuyuko ang ilan para kumain ng damo, may dugo ang mga bibig ng ilan, tumatalon-talon sa dalawang paa ang ilan, naglalakad ang ilan gamit ang apat na malalaking kuko, tumitingin sa malayo ang ilan sa itaas ng mga puno, naghihintay ang ilan sa mga kagubatan, naghahanap ang ilan ng mga kweba para magpahinga, tumatakbo at masaya ang ilan sa mga kapatagan, umaali-aligid ang ilan sa mga kagubatan...; umaatungal ang ilan, umaalulong ang ilan, tumatahol ang ilan, umiiyak ang ilan…; soprano ang ilan, baritono ang ilan, buong lalamunan ang ilan, malinaw at malambing ang ilan…; mabagsik ang ilan, maganda ang ilan, nakakadiri ang ilan, nakatutuwa ang ilan, nakatatakot ang ilan, walang muwang na kaakit-akit ang ilan…. Isa-isa, sila ay lumabas. Tingnan kung paano sila lumitaw, masigla, medyo mailap sa bawat isa, walang pakialam na lumingon sa bawat isa…. Nagtataglay ang bawat isa ng partikular na buhay na ibinigay sa kanila ng Maylalang, at ang kanilang pagiging mabangis, at kalupitan, lumitaw sila sa mga kagubatan at sa mga kabundukan. Suwail sa lahat, ganap na nangingibabaw—sino ang gumawa sa kanila para maging mga tunay na amo ng mga kabundukan at kagubatan? Sa sandaling itinakda ang kanilang mga hitsura ng Maylalang, “inangkin” na nila ang mga kagubatan, at “inangkin” na ang mga kabundukan, dahil tinakpan na ng Maylalang ang kanilang mga hangganan at tinukoy na ang sakop ng kanilang pag-iral. Sila lang ang totoong mga panginoon ng mga kabundukan at kagubatan, at kaya napakabangis nila, at napakasuwail. Tinawag silang “mababangis na hayop” dahil lang, sa lahat ng mga nilalang, sila lang ang tunay na mabangis, malupit, at di mapaamo. Hindi sila mapaamo, kaya di sila maalagaan, at di maaaring mamuhay nang maayos kasama ang sangkatauhan o magtrabaho sa ngalan ng sangkatauhan. Ito’y dahil di sila maalagaan, di maaaring magtrabaho para sa sangkatauhan, na kailangan nilang mamuhay nang malayo sa sangkatauhan, at di maaaring lapitan ng tao. At ito’y dahil malayo silang namumuhay sa sangkatauhan, at di maaaring lapitan ng tao, na kayang tuparin ang kanilang katungkulan na ibinigay sa kanila ng Maylalang: binabantayan ang mga kabundukan at ang mga kagubatan. Pinoprotektahan ng kanilang kabangisan ang mga kabundukan at binabantayan ang mga kagubatan, at ang pinakamagandang pag-iingat at kasiguruhan ng kanilang pag-iral at pagpaparami. Kasabay nito, pinapanatili at sinisiguro ng kabangisan nila ang balanse sa lahat ng mga bagay. Nagbigay ng suporta at kanlungan ang kanilang pagdating sa mga kabundukan at mga kagubatan; nagdulot ang pagdating nila ng walang hangganang kalakasan at kasiglahan sa tahimik at walang laman na mga kabundukan at mga kagubatan. Mula sa puntong ito, naging permanenteng tirahan na nila ang mga kabundukan at mga kagubatan, at kailanman di mawawala sa kanila ang kanilang tirahan, dahil lumitaw at ginawa ang mga kabundukan at kagubatan para sa kanila, at tutuparin ng mga mabangis na hayop ang kanilang mga tungkulin, at gagawin ang lahat ng kanilang makakaya, para bantayan ang mga ito. Kaya, gayun din, ang mga mababangis na hayop ay mahigpit na mamalagi sa mga pangaral ng Maylalang na panghawakan ang kanilang mga teritoryo, at patuloy na gamitin ang kanilang malahayop na kalikasan para panatilihin ang balanse ng lahat ng mga bagay na itinatag ng Maylalang, at ipakita ang awtoridad at kapangyarihan ng Maylalang!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento