Ang mga Pangunahing Paniniwala ng Iglesia ng Makapangyarihang Diyos
Ang mga doktrina ng Cristianismo ay nagmumula sa Biblia, at ang mga doktrina ng Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay nagmumula sa lahat ng katotohanan na ipinahayag ng Diyos simula pa noong panahon ng paglikha, sa gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, Kapanahunan ng Biyaya, at Kapanahunan ng Kaharian. Ibig sabihin, ang Lumang Tipan, ang Bagong Tipan, at ang Biblia ng Kapanahunan ng Kaharian—Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao—na ipinahayag ng nagbalik na Panginoong Jesus ng mga huling araw, na Makapangyarihang Diyos, ay ang pangunahing paniniwala at ang mga doktrina ng Iglesia ng Makapangyarihang Diyos.
Ano ang katotohanan? Ang katotohanan ay gabayan para sa atin upang mamuhay bilang nilalang na tao, kumilos, at sumamba sa Diyos. Ito ay pundasyon ng ating pag-iral. Hangga’t sa kumikilos tayo ng naaayon sa katotohanan, tayo ay maaaring sang-ayunan ng Diyos at mamuhay sa liwanag ng Diyos.
Itinatala ng Lumang Tipan ang gawain ng Diyos na Jehova na pag-aatas ng mga batas at mga kautusan at paggabay sa buhay ng tao sa Kapanahunan ng Kautusan; itinatala sa Bagong Tipan ang gawain ng pagtubos na isinagawa ng Panginoong Jesus noong Kapanahunan ng Biyaya; at Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay ang lahat ng mga katotohanan para sa pagdadalisay at kaligtasan ng sangkatauhan na ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian, na isa ring salaysay ng gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Ang totoong Biblia ay ang lahat ng mga pagbigkas ng Diyos sa tatlong yugto ng gawain, at ang mga pangunahing paniniwala ng Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay ang lahat ng mga pagbigkas ng Diyos sa tatlong yugto ng gawain, ibig sabihin, lahat ng katotohanang ipinahayag ng Diyos sa tatlong yugtong ito ng gawain. Ang tatlong banal na kasulatan ay ang mga pangunahing paniniwala at ang mga doktrina ng Iglesia ng Makapangyarihang Diyos.
Ang Cristianismo ay lumitaw mula sa gawain ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, ngunit ang Panginoong Jesucristo na pinaniniwalaan nito ay ginawa lamang ang gawain ng pagtubos sa Kapanahunan ng Biyaya. Dahil ang nagkatawang-taong Panginoong Jesus ay ipinako sa krus at nagsilbing pinakahandog para sa kasalanan ng tao, ang pagliligtas sa tao mula sa mga kamay ni Satanas at pagpapalaya sa kanya mula sa paghatol at sumpa ng batas, ang tao ay kailangan lang na lumapit sa Diyos at ikumpisal ang kanyang mga kasalanan at magsisi upang mapatawad ang kanyang mga kasalanan at matamasa ang saganang biyaya at mga pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos. Ito ang gawain ng pagtubos na isinagawa ng Panginoong Jesus. Bagama’t ang mga kasalanan ng tao ay pinatawad sa pamamagitan ng pagtubos ng Panginoong Jesus, hindi naalis sa tao ang kanyang likas na pagkamakasalanan, siya ay bihag at kontrolado pa rin nito, at walang magawa kundi magkasala at kalabanin ang Diyos sa pagiging mayabang at mapagmataas, naghahangad ng katanyagan at pakinabang, pagiging mainggitin at pala-away, pagiging sinungaling at mapanlinlang ng mga tao, sinusunod ang masasamang kalakaran ng mundo, at marami pang iba. Ang tao ay hindi nakalaya mula sa gapos ng kasalanan at naging banal, at sa gayon ay maraming beses na ipinropesiya ng Panginoong Jesus na Siya ay muling darating upang isagawa ang gawain ng paghatol ng mga huling araw, nagsasabing: “Narito, ako'y madaling pumaparito” (Pahayag 22:12). “At kung ang sinomang tao'y nakikinig sa aking mga pananalita, at hindi ingatan, ay hindi ko siya hinahatulan: sapagka't hindi ako naparito upang humatol sa sanglibutan, kundi upang iligtas ang sanglibutan. Ang nagtatakuwil sa akin, at hindi tumatanggap sa aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kaniya: ang salitang aking sinalita, ay siyang sa kaniya'y hahatol sa huling araw” (Juan 12:47-48). Nasusulat rin sa Unang Liham ni Pedro na “Sapagka't dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Dios” (1 Pedro 4:17). Ang Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga huling araw, ay ang nagbalik na Panginoong Jesus. Ipinahayag Niya ang lahat ng mga katotohanan para sa pagdadalisay at kaligtasan ng tao, isinagawa ang gawain ng paghatol na nagsisimula sa bahay ng Diyos, at ganap na naisakatuparan ang mga propesiya ng Biblia. Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao na ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ay ang “sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia” (Pahayag 2:7) na nakapropesiya sa Aklat ng Pahayag, at isang salaysay ng gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Ang gawain ng paghatol na ginawa ng Makapangyarihang Diyos ay ang huling yugto ng gawain ng pagliligtas ng Diyos para sa sangkatauhan, at ito rin ang pinaka-pangunahin at napakahalagang yugto. Kung nais ng tao na mailigtas siya ng Diyos at makapasok sa kaharian ng langit, kailangan niyang tanggapin ang gawain ng paghatol ng Diyos, at dito natupad ang mga salita ng Panginoong Jesus: “Datapuwa't pagkahating gabi ay may sumigaw, Narito, ang kasintahang lalake! Magsilabas kayo upang salubungin siya” (Mat 25:6). “Narito ako'y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako'y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya'y kasalo ko” (Pahayag 3:20). Kung tatanggapin at mararanasan lamang ng tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay doon niya malalaman ang kabanalan at pagkamatuwid ng Diyos, malalaman ang substansya at kalikasan ng katiwalian ng tao dahil kay Satan at ang tunay na pangyayari nito, tunay na magsisisi sa harap ng Diyos, aalisin sa kanyang sarili ang lahat ng kasalanan, magkakamit ng kabanalan, magiging isang taong sumusunod sa Diyos at sumasamba sa Diyos, at makakamit ng Diyos. Noon lamang siya magiging kwalipikado upang manahin ang mga pangako at mga pagpapala ng Diyos, at makamit ang magandang patutunguhan.
Ang mga doktrina ng Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay nagmumula sa lahat ng mga katotohanang ipinahayag ng Diyos sa Kanyang tatlong yugto ng gawain, na ang ibig sabihin ay nagmumula ang mga ito sa mga salita ng Diyos na nakatala sa Biblia at mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao. Sinimulan ng Diyos ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan kasunod ng Kanyang paglikha sa daigdig, at ang Kanyang plano ng pamamahala para sa kaligtasan ng tao ay hindi magagawang ganap hanggang sa matapos Niya ang gawain ng paghatol na nagsisimula sa bahay ng Diyos sa mga huling araw. Mula sa mga salita at sa lahat ng katotohanang ipinahayag ng Diyos sa tatlong yugto ng gawain, lubusan nating nakikita iyan, kung ito ba ay ang gawaing ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng paggamit ng tao sa simula noong Kapanahunan ng Kautusan, o ang Kanyang gawain sa dalawang beses na Siya ay nagkatawang-tao sa Kapanahunan ng Biyaya at sa Kapanahunan ng Kaharian, lahat ay mga pagbigkas at ang pagpapahayag ng katotohanan ng isang Espiritu; sa diwa, ito ay isang Diyos na nagsasalita at gumagawa. Samakatuwid, ang mga doktrina ng Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay nagmumula sa Biblia at mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao.
(2) Tungkol sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay ang personal na mga pagbigkas ng Makapangyarihang Diyos, si Cristo ng mga huling araw, at siyang lahat ng katotohanan na ipinahayag ng Diyos upang dalisayin at iligtas ang tao sa panahon ng Kanyang gawain ng paghatol ng mga huling araw. Ang mga katotohanang ito ay ang direktang pagpapahayag ng Banal na Espiritu, ang pagbubunyag ng buhay at diwa ng Diyos, at ang pagpapahayag ng disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya. Ang mga ito ang tanging landas kung saan maaaring makilala ng tao ang Diyos at mapadalisay at maligtas. Ang mga salitang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ay ang pinakamataas na prinsipyo ng mga kilos at pag-uugali ng tao, at walang mas mataas na mga talinghaga para sa buhay ng tao.
Ang mga Cristiano ng Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay binabasa ang mga salita ng Diyos sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao araw-araw, katulad ng mga Cristiano ng Christianismo na nagbabasa ng Biblia. Lahat ng mga Cristiano ay itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang gabay sa kanilang buhay at bilang pinakamataas sa lahat ng mga talinghaga ng buhay. Sa Kapanahunan ng Biyaya, lahat ng mga Cristiano ay nagbabasa ng Biblia at nakikinig sa mga pangangaral ng Biblia. Unti-unting nagkaroon ng mga pagbabago sa pag-uugali ng mga tao, at nabawasan nang nabawasan ang nagagawa nilang mga kasalanan. Gayundin, sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos at sa pagbabahagi ng mga salita ng Diyos, ang mga Cristiano ng Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay unti-unting nauunawaan ang katotohanan at nakakawala sa gapos ng kasalanan, hindi na nagkakasala at kumakalaban sa Diyos, at nagiging kaayon ng Diyos. Pinatutunayan ng mga pangyayari na tanging sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos na maaaring mapadalisay at magbago ang tao at ipamuhay ang imahe ng tunay na tao. Ang mga ito ay mga tunay na pangyayari na hindi maikakaila ng sinuman. Ang mga salita ng Diyos na nakatala sa Biblia ay ipinahayag habang gumagawa ang Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan at sa Kapanahunan ng Biyaya, samantalang Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay ang mga salitang ipinahayag ng Diyos sa gawain ng mga huling araw. Ang pinagmulan kapwa ng mga ito ay ang Banal na Espiritu. Lubusang isinakatuparan ng mga salita at gawain ng Makapangyarihang Diyos ang mga propesiya sa Biblia, at ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus, gaya ng sinabi ng Panginoong Jesus: “Mayroon pa akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni't ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma'y kung siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan: sapagka't hindi siya magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anomang bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasalitain: at kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating” (Juan 16:12-13). Kaya nga, nakapropesiya rin sa Aklat ng Pahayag na, “Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia” (Pahayag 2:7). “At nakita ko sa kanang kamay niyaong nakaupo sa luklukan ang isang aklat na may sulat sa loob at sa labas, na tinatakang mahigpit ng pitong tatak. … narito, ang Leon sa angkan ni Juda, ang Ugat ni David, ay nagtagumpay upang magbukas ng aklat at ng pitong tatak nito” (Pahayag 5:1, 5).
Ngayon, nakita nating lahat ang isang katotohanan: Ang lahat ng mga salitang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ay ang katotohanan, at ang mga ito ay mayroong awtoridad at kapangyarihan—ang mga ito ay ang tinig ng Diyos. Hindi ito maaaring ikaila o baguhin ng sinuman. Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay libreng makukuha sa Internet ng mga mamamayan ng lahat ng mga bansa at mga teritoryo upang masaliksik at masiyasat. Wala ni isang maglalakas-loob na ikaila na ang mga ito ay ang mga salita ng Diyos, o na ang mga ito ay ang katotohanan. Ang mga salita ng Diyos ang nagpapatakbo pasulong sa buong sangkatauhan, ang mga tao ay nagsimulang magising nang dahan-dahan sa gitna ng mga salita ng Diyos, at sila ay unti-unting sumusulong tungo sa pagtanggap sa katotohanan at sa kaalaman tungkol sa katotohanan. Ang Kapanahunan ng Kaharian ang panahon kung kailan ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang naghahari sa lupa. Bawat isa sa mga salita ng Diyos ay maisasagawa at matutupad. Tulad ng pagkilala ng lahat ng mga mananampalataya sa Diyos sa Biblia ngayon, ang mga taong naniniwala sa Diyos ay kikilalanin sa malapit na hinaharap na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay ang mga pagbigkas ng Diyos sa mga huling araw. Ngayon, Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay ang batayan ng mga paniniwala ng Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at tiyak na ito ang magiging saligan ng pag-iral para sa buong sangkatauhan sa susunod na kapanahunan.
(3) Tungkol sa mga Pangalan ng Diyos at sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos
Kasunod ng paggawang tiwali sa kanya ni Satanas, ang tao ay nabubuhay sa ilalim ng nasasakupan ni Satanas at ang kanyang katiwalian ay lalo pang lumalim. Hindi maililigtas ng tao ang kanyang sarili, at nangangailangan ng pagliligtas ng Diyos. Naaayon sa mga pangangailangan ng tiwaling sangkatauhan, ginawa ng Diyos ang tatlong yugto ng gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, sa Kapanahunan ng Biyaya, at sa Kapanahunan ng Kaharian. Sa Kapanahunan ng Kautusan, ginawa ng Diyos ang gawain ng pag-aatas ng mga batas at mga kautusan at paggabay sa buhay ng tao. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang Diyos ay nagkatawang-tao at, batay sa Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, ay isinagawa ang gawain ng pagpapako sa krus at tinubos ang tao mula sa kasalanan. Sa Kapanahunan ng Kaharian, ang Diyos ay minsan pang nagkatawang-tao at, batay sa gawain ng pagtubos ng Kapanahunan ng Biyaya, ay isinasagawa ang gawain ng paghatol na nagsisimula sa bahay ng Diyos, ipinapahayag ang lahat ng mga katotohanan para sa pagdadalisay at kaligtasan ng tao, at inihahatid sa atin ang tanging daan sa paghahanap ng pagdadalisay at kaligtasan. Tanging kapag nakamit natin ang reyalidad ng katotohanan bilang ating buhay, nagiging yaong mga taong sumusunod at sumasamba sa Diyos, na tayo ay magiging kwalipikado na maakay papasok sa kaharian ng Diyos at tatanggapin ang mga pangako at mga pagpapala ng Diyos. Ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos ukol sa kaligtasan ng tao ay magkakaugnay, bawat yugto ay kailangang-kailangan, bawat isa ay lalo pang tumataas at mas lumalalim kaysa sa nakaraan, ang lahat ng ito ay gawain ng isang Diyos, at tanging ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos ang ganap na gawain ng kaligtasan ng sangkatauhan.
Ang tatlong pangalan na—Jehova, Jesus, at Makapangyarihang Diyos—ay ang magkakaibang pangalan na tinaglay ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan, sa Kapanahunan ng Biyaya, at sa Kapanahunan ng Kaharian. Iba’t ibang pangalan ang tinataglay ng Diyos dahil magkakaiba ang Kanyang gawain sa iba’t ibang kapanahunan. Gumagamit ang Diyos ng isang bagong pangalan para simulan ang isang bagong kapanahunan at kumatawan sa gawain ng kapanahunang iyon. Ang pangalan ng Diyos noon ay Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan, at Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya. Ginagamit ng Diyos ang isang bagong pangalan—Makapangyarihang Diyos—sa Kapanahunan ng Kaharian, na nagsasakatuparan sa mga propesiya na nasa Aklat ng Pahayag: “At sa anghel ng iglesia sa Filadelfia ay isulat mo…. Ang magtagumpay, ay gagawin kong haligi sa templo ng aking Dios, at hindi na siya'y lalabas pa doon: at isusulat ko sa kaniya ang pangalan ng aking Dios, at ang pangalan ng bayan ng aking Dios, ang bagong Jerusalem, na mananaog buhat sa langit mula sa aking Dios, at [isusulat ko sa kaniya] ang aking sariling bagong pangalan” (Pahayag 3:7, 12). “Ako ang Alpha at ang Omega, [ang simula at ang wakas] sabi ng Panginoong Dios, ngayon at nang nakaraan at sa darating, ang Makapangyarihan sa lahat” (Pahayag 1:8). Bagama’t ang mga pangalan at gawain ng Diyos sa tatlong yugto ay magkakaiba, iisa lamang ang Diyos sa diwa, at pareho ang pinagmumulan.
Pangunahing kasama sa gawain ng Diyos na pagliligtas sa tao ang tatlong yugto ng gawain. Gumamit Siya ng ibang pangalan sa bawat kapanahunan, ngunit ang diwa ng Diyos ay hindi nagbabago kailanman. Ang tatlong yugto ng gawain ay ginawa ng iisang Diyos; dahil dito, si Jehova, si Jesus, at ang Makapangyarihang Diyos ay iisang Diyos. Si Jesus noon ay ang pagpapakita ni Jehova, at ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus, kaya’t ang Makapangyarihang Diyos ay ang iisang totoong Diyos na lumikha ng mga kalangitan at ng lupa at ng lahat ng bagay, nag-uutos sa lahat ng bagay, at mayhawak ng dakilang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at Siya ang walang-katapusan at nag-iisa at tanging Manlilikha.
Sa tatlong yugto ng gawain ng pagliligtas sa tao, ibinunyag ng Diyos ang Kanyang buong disposisyon sa tao, na nagtutulot sa ating makita na ang disposisyon ng Diyos ay hindi lamang awa at pagmamahal, kundi pagkamatuwid, kamahalan, at poot rin, na ang Kanyang diwa ay kabanalan at pagkamatuwid, at katotohanan at pag-ibig, at na ang disposisyon ng Diyos at ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay hindi taglay ng anumang nilikha o hindi nilikhang nilalang. Naniniwala tayo na ang lahat ng mga salitang sinabi ng Diyos mula sa panahon ng paglikha hanggang sa katapusan ng daigdig ay ang katotohanan. Ang langit at lupa ay papanaw, ngunit ang mga salita ng Diyos ay hindi kailanman maglalaho, at ang bawat isa sa mga ito ay matutupad!
————————————————————————————
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento