Ang labintatlong mga sulat ni Pablo ay pinili para gamitin sa Biblia. Ang labintatlong mga sulat na ito ay isinulat lahat ni Pablo na inaasinta ang iba’t-ibang mga sitwasyon ng mga tao sa magkakaibang mga dako. Siya ay kinilos ng Banal na Espiritu upang isulat ang mga ito at turuan ang mga kapatid sa lahat ng mga dako mula sa katayuan ng isang apostol (naninindigan mula sa pananaw ng lingkod ng Panginoong Jesus). Kung gayon, ang mga sulat ni Pablo ay hindi nagmula sa mga propesiya o tuwirang mula sa mga pangitain, ngunit nanggaling sa gawain na kanyang isinagawa. Ang mga sulat na ito ay hindi kakaiba, ni ang mga ito ay mahirap maunawaan kagaya ng mga hula. Ang mga salitang ito ay mga sulat lamang at hindi mga hula o mga misteryo. Ang mga ito ay karaniwang mga salita lamang ng pagtuturo. Bagamat maraming mga salita ang mahirap maunawaan o hindi kaagad maintindihan ng mga tao, ang mga ito ay hindi hihigit sa pagliliwanag ng Banal na Espiritu at mga pangitaing nakita ni Pablo. Si Pablo ay isang apostol lamang, isang tagapaglingkod na kinasangkapan ng Panginoong Jesus, hindi isang propeta. Kinuha niya ang pagkakataon habang naglalakad sa lahat ng uri ng mga dako upang sumulat ng mga sulat sa mga kapatid sa mga iglesia, o sa panahon na siya ay mayroong karamdaman, sumulat siya sa mga iglesia na pangunahing nasa isip niya ngunit hindi niya mapuntahan. Dahil dito, ang kanyang mga sulat ay itinago ng mga tao sa panahong iyon, at kinalaunan, pinagsama-sama ng mga tao, pinagbukod-bukod, at pagkatapos ay inilagay ang mga ito sa likod ng Apat na mga Ebanghelyo ng Biblia. Mangyari pa, pinili nila at pinagsama-sama ang pinakamahuhusay na sulat na kanyang sinulat. Ang mga sulat na ito ay mangyari pang kapaki-pakinabang sa mga buhay ng mga kapatid sa mga iglesia at lalong tanyag na mga sulat sa panahong iyon. Nang sinulat ni Pablo ang mga sulat na ito sa panahong iyon, ang kanyang layunin ay hindi upang magsulat ng isang gawaing espirituwal upang tulutan ang mga kapatid na humanap ng isang landas na isasagawa sa loob nito, o isang espirituwal na talambuhay upang ipahayag ang kanyang sariling mga karanasan. Hindi niya nilayon na magsulat ng isang aklat upang maging isang may-akda; siya ay sumusulat lamang ng mga sulat sa mga kapatid sa iglesia ng Panginoong Jesus. Tinuruan niya ang mga kapatid sa kanyang tungkulin bilang isang tagapaglingkod, upang sabihin sa kanila ang kanyang pasanin, ang kalooban ng Panginoong Jesus, at kung ano ang Kanyang ipinagkatiwala sa mga tao para sa hinaharap. Yaon ang gawain na kanyang ginampanan. Ang kanyang mga salita ay lubos na nakapagpapatibay para sa karanasan ng mga kapatid sa hinaharap. Maraming mga katotohanan sa mga sulat na ito, at ang lahat ng mga ito ay yaong kailangang isagawa ng mga tao mula sa Kapanahunan ng Biyaya, iyon ang dahilan kung bakit ang mga tao kinalaunan ay isinaayos ang mga sulat na ito sa Bagong Tipan. Maging anuman ang kalalabasan ni Pablo kinalunan, siya ay isang tao na kinasangkapan sa panahong iyon, na tumulong sa mga kapatid sa mga iglesia. Ang kanyang kalalabasan ay pinagpasyahan ng kanyang katuturan at ng pagpapabagsak sa kanya noong una. Nagawa niyang sabihin ang mga salitang iyon sa panahong yaon sapagkat taglay niya ang gawain ng Banal na Espiritu. Dahil sa gawain ng Banal na Espiritu kaya siya nakapagtiis ng pasanin tungo sa mga iglesia. Sa gayong paraan, nagawa niyang tustusan ang mga kapatid. Gayunman, dahil sa ilang natatanging mga pangyayari, hindi siya nakapupunta nang personal sa mga iglesia upang gumawa, kaya siya sumulat ng mga sulat sa kanila upang paalalahanan ang mga kapatid sa Panginoon. Noong una ay inusig niya ang mga disipulo ng Panginoong Jesus, ngunit pagkatapos umakyat si Jesus sa langit, iyon ay, pagkatapos niyang tanggapin ang liwanag, siya ay tumigil sa pang-uusig sa mga disipulo ng Panginoong Jesus at hindi na inusig yaong mga banal na ipinangangaral ang ebanghelyo para sa kapakanan ng daan ng Panginoon. Pagkatapos niyang makita si Jesus, siya ay ibinangon at naging isang tao na kinasangkapan ng Banal na Espiritu.
Ang gawain ni Pablo sa panahong iyon ay tulungan at tustusan lamang ang mga kapatid. Hindi siya kagaya ng ilang mga tao na gustong umukit ng isang karera o magsusulat ng ilang mga gawang pampanitikan, magbukas ng ilang mga landas, o maghanap ng ilang mga landas sa labas ng Biblia upang pangunahan ang mga tao sa mga iglesia upang makapagkamit sila ng bagong pagpasok. Siya ay isang tao na kinasangkapan; ginawa niya ito upang tuparin lamang ang kanyang tungkulin. Kung hindi siya nagsakripisyo tungo sa mga iglesia, kung gayon ito ay ibibilang na isang pagpapabaya sa tungkulin. Kung ang isang nakaaantalang bagay ay nangyari o mayroong isang pagtataksil sa iglesia na nauwi sa isang abnormal na katayuan ng mga tao doon, kung gayon ituturing iyon na hindi niya nagagampanan nang wasto ang kanyang gawain. Kung ang isang manggagawa ay nagtiis tungo sa iglesia at gumagawa din sa abot ng kanyang makakaya, kung gayon pinatutunayan nito na siya ay isang manggagawa na karapat-dapat, isang tao na karapat-dapat kasangkapanin. Kung hindi siya nakadarama ng pasanin tungo sa iglesia, ang kanyang gawain ay hindi rin nakapagtatamo ng mga resulta, at karamihan sa mga taong kanyang pinangungunahan ay mahihina o nadadapa pa, kung gayon hindi natupad ng manggagawang iyon ang kanyang tungkulin. Gayundin, si Pablo ay hindi naiiba. Kaya kinailangan niyang kalingain ang mga iglesia o madalas na sumulat sa mga kapatid. Sa pamamagitan ng paraang ito ay natamo niya ang pagtutustos sa mga iglesia at pangangalaga sa mga kapatid—sa paraan lamang na ito nakatatanggap ang mga iglesia ng panustos at pagpapastol mula sa kanya. Ang mga salita sa mga sulat na kanyang sinulat ay napakalalim, ngunit ang kanyang mga sulat ay isinulat sa mga kapatid sa ilalim ng batayan ng pagkakaroon ng pagliliwanag ng Banal na Espiritu, kalakip ng kanyang personal na mga karanasan at pasanin. Siya ay isang tao lamang na kinasangkapan ng Banal na Espiritu. Ang kanyang personal na mga karanasan ay inihalo sa mga nilalaman ng lahat ng kanyang mga sulat. Kinakatawan lamang ng gawain na kanyang ginampanan ang gawain ng isang apostol, hindi ang gawain na tuwirang ginagampanan ng Banal na Espiritu, at ito ay naiiba rin mula sa gawain ni Cristo. Tinutupad lamang niya ang kanyang tungkulin, kaya naman inilaan niya ang kanyang pasanin gayundin ang kanyang personal na mga karanasan at mga pananaw sa mga kapatid sa Panginoon. Ipinatutupad lamang niya ang gawaing may pag-aatas ng Diyos sa pamamagitan ng paglalaan ng personal na pananaw at pagkaunawa—tiyak na hindi ang Diyos Mismo ang tuwirang gumagawa. Dahil dito, ang kanyang gawain ay hinaluan ng karanasan ng tao at kung paano tinatanaw at nauunawaan ng tao ang gawain ng iglesia. Gayunman, ang mga pananaw na ito at pagkaunawa ng tao ay hindi masasabing gawain ng masasamang espiritu o gawain ng laman at dugo. Maaari lamang itong sabihin na kaalaman at mga karanasan ng isang tao na niliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang ibig Kong sabihin dito ay hindi mga aklat na nagmula sa langit ang mga sulat ni Pablo. Ang mga ito ay hindi banal at hindi binigkas o ipinahayag ng Banal na Espiritu—ang mga ito ay isang pagpapahayag lamang ng pasanin ni Pablo tungo sa iglesia. Ang layunin sa pagsasabi Ko ng lahat ng ito ay upang maipaunawa sa inyo ang kaibahan sa pagitan ng gawa ng Diyos at ng tao. Kinakatawan ng gawain ng Diyos ang Diyos Mismo, samantalang kinakatawan ng gawain ng tao ang tungkulin at mga karanasan ng tao. Hindi dapat tingnan ng isa ang normal na gawain ng Diyos na nilayon ng tao at ang Kanyang di-pangkaraniwang gawain na nilayon ng Diyos. Higit sa rito, hindi dapat ituring ng isa ang matayog na pangangaral ng tao bilang mga pagbigkas ng Diyos o bilang mga aklat ng langit. Ang lahat ng ito ay laban sa etika. Kapag naririnig Ako ng maraming mga tao na hinihimay ang labintatlong sulat ni Pablo, iniisip nila na ang mga sulat ni Pablo ay hindi dapat basahin at si Pablo ay isang tao na nagkakasala nang napakalaki. Mayroon pang napakaraming mga tao ang nag-iisip na ang Aking mga salita ay walang pakiramdam, na ang Aking pagsusuri sa mga sulat ni Pablo ay mali-mali, at na ang kanyang mga sulat ay hindi maituturing bilang mga pagpapahayag ng mga karanasan ng tao at pasanin. Iniisip nila na ang mga ito ay dapat ituring na mga salita ng Diyos, ang mga ito ay kasinghalaga ng Aklat ng Pahayag ni Juan, ang mga ito ay hindi maaaring bawasan o dagdagan, at higit sa rito hindi maaaring basta na lamang ipaliwanag. Hindi ba lahat ng mga ito ay maling mga pahayag ng mga tao? Hindi ba lahat ng ito ay dahil sa ang mga tao ay walang katuturan? Napakaraming pakinabang ang mga sulat ni Pablo sa mga tao, at mayroon ng kasaysayan ang mga ito ng higit sa 2,000 mga taon. Ngayon, napakarami pa ring mga tao ang hindi nakaaalam kung ano ang kanyang sinulat sa panahong iyon. Sa mga damdamin ng tao, ang mga sulat ni Pablo ay ang pinadakilang mga obra maestro sa kabuuan ng lahat ng Kristiyanismo. Walang sinuman ang makapagkakalas sa mga ito at walang sinuman ang ganap na makauunawa sa mga ito. Sa katunayan, ang mga sulat na ito ay kagaya lamang ng talambuhay ng isang espirituwal na tao at hindi maihahambing sa mga salita ni Jesus o ang dakilang mga pangitain na nakita ni Juan. Sa kabaligtaran, ang mga pangitain na nakita ni Juan ay dakilang mga pangitain mula sa langit, mga propesiya ng sariling gawain ng Diyos, na hindi maaaring matamo ng tao, samantalang ang mga sulat ni Pablo ay mga paglalarawan lamang ng kung ano ang nakita at naranasan ng tao. Ang mga ito ay kung ano ang kakayahan ng tao at hindi mga hula o mga pangitain—mga sulat lamang na ipinadala sa iba’t-ibang mga dako. Ngunit para sa mga tao sa panahong iyon, si Pablo ay isang manggagawa at kaya ang kanyang mga salita ay mayroong halaga, sapagkat siya ay isang tao na tinanggap kung ano ang ipinagkatiwala sa kanya. Kaya naman, ang kanyang mga sulat ay kapaki-pakinabang sa kanila na hinahangad si Cristo. Bagamat ang mga salita ay hindi personal na sinabi ni Jesus, ang mga ito ay, kung tutuusin, mahalaga para sa panahon ng mga ito. Kung gayon, inilagay niyaong mga dumating pagkatapos ni Pablo ang mga sulat na ito sa Biblia, na naging daan upang maisalin ang mga ito hanggang sa kasalukuyan. Nauunawaan ba ninyo ang ibig Kong sabihin? Ipinaliliwanag Ko lamang nang may katumpakan ang mga sulat na ito, hinihimay ang mga ito, hindi ikinakaila ang pakinabang at halaga ng mga ito bilang isang sanggunian sa mga tao. Kung pagkatapos basahin ang Aking mga salita ay hindi lamang ninyo itatanggi ang mga sulat ni Pablo ngunit pagpapasyahan na ang mga ito ay heresiya o walang taglay na anumang halaga, kung gayon maaari lamang sabihin na ang inyong mga kakayahang tumanggap ay masyadong hamak at ang inyong kakayahang makita ang mga bagay ay napakahina—tiyak na hindi masasabi na ang Aking mga salita ay masyadong may kinikilingan. Naiintindihan na ba ninyo ngayon? Ang mahalagang bagay para maunawaan ninyo ay ang totoong sitwasyon ng gawain ni Pablo sa panahong iyon at ang nasa likod ng kanyang mga sulat. Kung taglay ninyo ang tamang pananaw sa mga bagay na ito, gayundin naman, magkakaroon din kayo ng tamang pananaw sa mga sulat ni Pablo. Sa parehong pagkakataon, pagkatapos mong maunawaan ang katuturan ng mga sulat ni Pablo, ang iyong pagsusuri sa Biblia ay magiging tama, at iyong mauunawaan kung bakit ang mga sulat ni Pablo ay talagang sinamba ng mga tao kinalaunan sa loob ng maraming mga taon, at kung bakit mayroon pang marami na itinuturing siya bilang Diyos. Hindi ba iyon din ang maiisip ninyo kung hindi ninyo naunawaan?
Hindi maaaring katawanin ng isa na hindi ang Diyos Mismo ang Diyos Mismo. Ang gawain ni Pablo ay maaaring sabihin na bahagi lamang ng kung ano ang nakita ng tao at bahagyang niliwanagan ng Banal na Espiritu. Sinulat niya ang mga salitang ito sa pamamagitan ng kung ano ang kanyang nakita gayundin ang pagliliwanag ng Banal na Espiritu. Hindi ito nakabibigla. Hindi kung gayon maiiwasan na ang kanyang mga salita ay nahaluan ng ilang mga karanasan ng tao, at ginamit niya kinalaunan ang kanyang personal na mga karanasan upang tustusan at tulungan ang mga kapatid sa panahong iyon. Ang mga sulat na kanyang isinulat ay hindi maaaring uriin bilang pag-aaral sa buhay, at ang mga ito ay hindi kabilang sa kategorya ng isang talambuhay o mensahe, at higit sa rito hindi ito katotohanang isinasagawa ng iglesia o administratibong mga kautusan ng iglesia. Bilang isang tao na mayroong isang pasanin, isang taong itinalagang gumawa ng Banal na Espiritu, ito ay isang bagay na kinailangan niyang gawin. Kung ibinabangon ng Banal na Espiritu ang isang tao at dinadagdagan ang kanilang pasanin ngunit hindi nila kinukuha ang gawain ng iglesia, pinamamahalaang mabuti ang mga kapakanan ng iglesia, at linulutas ang lahat ng mga suliranin ng iglesia, kung gayon pinatutunayan nito na hindi nila natupad nang wasto ang kanilang tungkulin. Ito kung gayon ay hindi napakamisteryosong bagay para sa isang apostol na magawang makapagsulat ng mga sulat sa panahon ng kanilang gawain. Ito ay bahagi ng kanyang trabaho, at siya ay obligadong gawin ito. Ang kanyang layunin sa pagsulat sa mga sulat na ito ay hindi para sumulat ng pag-aaral sa buhay o isang espirituwal na talambuhay, at higit sa rito hindi ito upang magbukas ng iba pang daan palabas para sa mga banal. Ito ay para sa kapakanan ng pagtupad ng kanyang sariling gampanin at pagiging isang tapat na lingkod ng Diyos, upang siya ay magbigay-sulit sa Diyos sa pamamagitan ng pagtapos sa kung ano ang ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Siya ang mananagot sa sarili niya at sa kanyang mga kapatid sa kanyang gawain, kaya kinailangan niyang gawing mabuti ang kanyang trabaho at dalhin ang mga kapakanan ng iglesia sa kanyang puso. Ito ay bahagi ng kanyang trabaho.
Kung mayroon kayong pagkaunawa sa mga sulat ni Pablo, magkakaroon din kayo ng wastong pagkaunawa at pagsusuri sa mga sulat nina Pedro at Juan. Hindi na ninyo kailanman muling titingnan ang mga sulat na ito bilang mga aklat mula sa langit at banal at hindi malalabag, lalong hindi ituturing si Pablo bilang Diyos. Kung tutuusin, ang gawain ng Diyos ay naiiba mula sa gawain ng tao, kaya paanong ang mga pagpapahayag ng Diyos at ang mga pagpapahayag ng tao ay magkapareho? Ang Diyos ay mayroong partikular na disposisyon ng Diyos, samantalang ang tao ay mayroong mga tungkulin na kailangang tuparin ng tao. Ang disposisyon ng Diyos ay ipinahahayag sa Kanyang gawain, samantalang ang tungkulin ng tao ay nakapaloob sa mga karanasan ng tao at ipinahahayag sa mga paghahangad ng tao. Kung gayon, posibleng malaman kung ito ay pagpapahayag ng Diyos o ng tao sa pamamagitan ng gawain ng mga ito. Hindi kailangang ipaliwanag ito ng Diyos Mismo o kailangang ang tao ay magsikap upang sumaksi, at higit sa rito hindi kailangan ang Diyos Mismo upang supilin ang sinumang tao. Ang lahat ng ito ay isang likas na pagbubunyag; hindi ito sapilitan o isang bagay na maaaring panghimasukan ng tao. Makikilala ang tungkulin ng tao sa pamamagitan ng kanyang karanasan at hindi kinakailangan sa kanya na gumawa ng anumang karagdagang gawain batay sa karanasan. Ang lahat ng katuturan ng tao ay maibubunyag habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, samantalang maipahahayag ng Diyos ang Kanyang likas na disposisyon habang ginagampanan Niya ang Kanyang gawain. Kung ito ay gawain ng tao kung gayon ito ay hindi mapagtatakpan. Kung ito ay gawain ng Diyos kung gayon ang disposisyon ng Diyos ay lalong imposibleng mapagtakpan ng sinuman, at higit sa rito hindi maaaring supilin ng tao. Ang isang tao ay hindi masasabing Diyos, at higit sa rito ang kanyang gawain at mga salita ay hindi maaaring tingnan bilang banal o ituring na hindi nababago. Ang Diyos ay maaaring sabihing tao sapagkat dinamitan Niya ang Sarili Niya sa katawang-tao, ngunit ang Kanyang gawain ay hindi maibibilang na gawain ng tao o tungkulin ng tao. Higit sa rito, ang mga pagbigkas ng Diyos at ang mga sulat ni Pablo ay hindi maaaring itumbas, ni ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at ang mga salitang pagtuturo ng tao ay masasabing magkatumbas. Mayroong mga, kung gayon, panuntunan na ipinagkaiba ang gawain ng Diyos mula sa gawain ng tao. Ang mga ito ay may pagkakaiba alinsunod sa pinakadiwa ng mga ito, hindi ang saklaw ng gawain o ang panandaliang pagkamabisa ng gawain. Karamihan sa mga tao ay nakagagawa ng mga pagkakamali ukol sa panuntunan sa paksang ito. Ito ay dahil sa ang tao ay tumitingin sa panlabas, na maaaring matamo ng tao, samantalang ang Diyos ay tumitingin sa sangkap, na hindi maaaring suriin ng makamundong mga mata ng sangkatauhan. Kung iyong kinikilala ang mga salita at gawain ng Diyos bilang tungkulin ng isang karaniwang tao, at tatanawin ang malakihang gawain ng tao bilang gawain ng Diyos na nakadamit sa katawang-tao, laban sa taong tumutupad ng kanyang tungkulin, kung gayon hindi ka ba nagkakamali sa panuntunan? Ang mga sulat at mga talambuhay ng tao ay madaling magagawa, ngunit ito ay sa saligan ng gawain ng Banal na Espiritu. Gayunman, ang mga pagbigkas at gawain ng Diyos ay hindi kaagad-agad maisasakatuparan ng tao o natatamo sa pamamagitan ng karunungan at pag-iisip ng tao. Higit sa rito, hindi ito maaaring ganap na maipaliwanag mula sa pagsusuri ng tao. Kung wala kayong anumang pagtugon sa mga bagay na ito ng panuntunan, kungpanalangingayon pinatutunayan niyon na ang inyong paniniwala ay hindi masyadong tunay at dalisay. Maaari lamang sabihin na ang inyong paniniwala ay puno ng kalabuan at ito ay nakalilito din at walang panuntunan. Nang wala man lang pagkaunawa sa pinakapangunahing mahahalagang usapin ukol sa Diyos at sa tao, hindi ba ang uri ng pananampalatayang ito ay isang pananampalataya na walang anumang pagkaintindi? Paano magiging posible na si Pablo ang tanging taong kinasangkapan sa kahabaan ng nga taon ng kasaysayan? Paano magiging possible na si Pablo ang tanging tao na gumawa para sa iglesia? Paanong siya lamang mag-isa ang sumulat sa mga iglesia para tulungan sila? Kahit na ano ang saklaw o impluwensiya ng gawain ng mga taong ito o ang mga resulta ng kanilang gawain, hindi ba ang mga panuntunan at katuturan ng gayong gawain ay magkakaparehong lahat? Wala bang mga bagay na ganap na naiiba tungkol sa gawain ng mga taong ito at sa gawain ng Diyos? Bagamat mayroong mga malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng bawat hakbang ng gawain ng Diyos at marami sa mga pamamaraan ng gawain ay hindi ganap na magkapareho, hindi ba ang mga ito ay mayroon lamang isang diwa at isang pinagmulan? Kaya naman, kung hindi pa rin malinaw sa isang tao ang tungkol sa mga bagay na ito ngayon, kung gayon sila ay masyadong kulang sa katuwiran. Kung, pagkatapos basahin ang mga salitang ito, ang isang tao ay magsasabi pa rin na ang mga sulat ni Pablo ay banal at hindi maaaring labagin at kaiba mula sa mga talambuhay ng sinumang espiritwal na katauhan, kung gayon ang taong ito ay mayroong katuwiran na masyadong abnormal, at ang gayong tao ay walang pag-aalinlangang isang dalubhasa sa doktrina na pinagkaitan ng katuturan. Kahit na sinasamba mo pa si Pablo, hindi mo magagamit ang iyong malapit na kalooban tungo sa kanya upang pilipitin ang katotohanan ng mga katunayan o upang pabulaanan ang pag-iral ng katotohanan. At bukod pa rito, ang Aking sinabi ay hindi kailanman sinusunog ang lahat ng gawain at mga sulat ni Pablo, o lubos na itinatanggi ang kanilang halaga bilang isang sanggunian. Maging anuman, ang kahulugan ng Aking sinabi ay para magkaroon kayo ng isang tamang pagkaunawa at makatuwirang pagsusuri sa lahat ng mga bagay at mga tao. Ito ang normal na katuwiran. Ito ang dapat isangkap sa mga taong matuwid na taglay ang katotohanan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento